fbpx
Search
Close this search box.
Philippines news

On-site classes, suspendido muli sa Abril 29-30 dahil sa init, transport strike

by Joanna Deala

HINDI muna papasok sa eskwelahan ang mga estudyante sa lahat ng pampublikong paaralan matapos suspendihin ng Department of Education (DepEd) ang mga klase mula Abril 29 hanggang 30 dahil sa tindi ng init at sa magaganap na malawakang transport strike.

Inanunsyo ito ng DepEd sa isang pahayag ngayong Linggo, Abril 28.

“All public schools nationwide shall implement asynchronous classes/distance learning on April 29 and 30, 2024,” sabi ng ahensya.

Photo courtesy: Ryan Baldemor | republicasia

Pinaalalahanan din ng DepEd ang mga pampublikong paaralan na hindi kailangan mag-report sa kani-kanilang istasyon ang mga teaching at non-teaching personnel.

“However, activities organized by Regional and Schools Division Offices, such as Regional Athletic Association Meets and other division or school level programs, to be conducted on the aforementioned dates may push through as scheduled, provided that measures for the safety of all participants have been carefully considered,” paglilinaw nito.

Hindi man saklaw ng DepEd advisory ang private schools, pwede pa rin anila silang magdesisyon kung sususpendihin din nito ang kanilang face-to-face classes sa mga nasabing araw.

Iniulat ng state weather forecasters na all-time high ang naranasang init nitong Sabado sa Metro Manila na umabot sa 38.8 degrees Celcius. Tinalo nito ang 38.6 degrees Celcius na naitala noong 1915.

Ngayong Linggo, pumalo sa 44 degrees Celcius ang heat index sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City at 43 degrees Celsius naman sa Science Garden sa Quezon City.

Return to old academic calendar

Dahil sa tindi ng init, napagdesisyunan ng DepEd na unti-unting bumalik sa lumang academic calendar, kung saan sa Hunyo magsisimula ang mga klase at magkakaroon ng break mula April hanggang May. 

Photo courtesy: Ryan Baldemor | republicasia

Sa DepEd Order No. 3, s. 2024, itinalaga sa July 29, 2024 ang pagsisimula sa school year 2024-2025, at matatapos ito sa May 16, 2025. Samantala, sa May 31 naman nakatakdang magtapos ng kasalukuyang school year imbes na sa June 14.

“Magiging gradual yung shift ng ating school calendar, back to the usual April-May break. Ang ginawa po natin, mag-e-end tayo ng May 31, pero mag-start pa rin tayo around July 29. And then slowly, i-move natin siya back until bumalik tayo sa normal na April-May break,” pahayag ni DepEd Undersecretary Michael Poa nitong Pebrero.

Ayon kay Poa, kumunsulta sila sa concerned parties kabilang na ang mga teachers’ unions at student organizations bago ito magbaba ng desisyon tungkol sa pagbalik sa dating academic calendar.

“Generally, everyone wants to go back to the April-May [school break],” ani Poa.

“Meron din tayong study from the [Philippine Normal University] that says the same thing. Because ito yung talagang gusto ng tao, nag-decide na tayo na we should go back, but we have to do it gradually para hindi maapektuhan naman dahil learning recovery mode po talaga tayo ngayon,” dagdag niya.

Magkakaiba naman ang pananaw ng ilang college students tungkol sa learning setup ngayong nakakaranas sila ng matinding init. Ang iba sa kanila ay gusto ng blended learning setup, kung saan matututo sila sa pamamagitan ng online media at in-person instruction, para na rin daw makaiwas sa heat-related illnesses tulad ng heatstroke.

Una nang sinabi ni Poa na may kakayahan ang mga paaralang magsuspinde ng mga klase dahil sa tindi ng init.

Transport strike

Samantala, inanunsyo ng transport group na Pagkakaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na magkakaroon ito ng three-day nationwide strike na magsisimula sa April 29 hanggang May 1.

Ito’y bilang protesta sa public utility vehicle (PUV) modernization program at April 30 franchise consolidation deadline.

Photo courtesy: Ryan Baldemor | republicasia

Kabilang sa mga lugar na maaapektuhan ng transport strike ang Alabang, Baclaran, Sucat, Taft Avenue, Agoncillo, Monumento, Novaliches, Litex, Anonas, Katipunan, at Philcoa.

Matatandaang sinabi ni President Ferdinand Marcos, Jr. na wala nang extension ang April 30 PUV consolidation deadline.

SUPPORT REPUBLICASIA

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter