fbpx
Search
Close this search box.
philippine news

Paano makakaiwas sa heatstroke at iba pang heat-related illness?

by Joanna Deala

TAG-INIT na! Idineklara na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong nakaraang buwan ang pagsisimula ng dry season sa bansa. Malamang may iba na sa atin ngayon ang nagpaplano na ng kanilang summer vacation sa beach o ‘di naman kaya’y sa ibang lugar na mas malamig ang panahon para maibsan ang init na nararanasan sa Pilipinas.

Pero bukod sa pagpaplano ng kani-kanilang lakad, mayroon pang kailangan alalahanin ang bawat Pilipino ngayong dry season: ang mag-ingat sa pag-atake ng mga heat-related illness tulad ng heatstroke.

Naging laman ng balita ang ilang paaralan sa bansa na nagsususpinde ng face-to-face classes dahil sa matinding init. Kabilang na rito ang mga paaralan sa Cebu province kung saan suspendido ang mga klase indefinitely dahil sa extreme heat na posibleng magdala ng panganib sa kalusugan ng mga estudyante.

Sa naunang ulat ng republicasia, ilang mga mag-aaral sa kolehiyo ang suportado ang blended learning setup sa kanilang mga unibersidad, kung saan matututo sila sa pamamagitan ng online media at in-person instruction. Ayon sa Department of Education (DepEd), may kakayahan ang mga paaralang magsuspinde ng mga klase dahil sa natural calamities tulad ng bagyo at lindol, gayundin ang matinding init.

Kabilang sa pinagbabasehan ng pagsuspinde ng klase ang forecasted heat index ng PAGASA sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Heat index

Pero ano nga ba ang heat index? Ayon sa state weather bureau, ang heat index ay tumutukoy sa “init na nararamdaman ng katawan ng tao” o apparent temperature na sinusukat hindi lamang gamit ang temperatura ng hangin kundi isinasama rin ang datos ng alinsangan o halumigmig.

Photo courtesy: Ryan Baldemor | republicasia

Natutukoy ng PAGASA ang heat index sa pamamagitan ng heat index chart na nahahati sa apat na klasipikasyon: “Caution” level, “Extreme Caution” level, “Danger” level, at “Extreme Danger” level.

Masasabing nasa “Caution” level ang isang lugar kapag naitala sa 27 hanggang 32 degrees Celsius ang heat index nito, 33 to 41 degrees Celsius sa “Extreme Caution” level, 42 to 51 degrees Celsius sa “Danger” level, at 52 degrees Celsius pataas naman sa “Extreme Danger” level.

Ang bawat lebel ay may iba’t ibang epekto sa katawan ng tao. Sa “Danger” level, dito na maaaring makaranas ng heatstroke kapag patuloy na nababad sa init ng araw at mas malaki ang posibilidad na magka-heatstroke ang isang indibidwal kapag tumuntong na sa “Extreme Caution” level ang heat index.

Ang heatstroke ay maituturing na “most serious” heat-related illness, ayon kay Dra. April Monilla, isang physician at head ng health safety services ng Marinduque State College.

Sa panayam ng republicasia, ipinaliwanag ni Monilla na nangyayari ang heatstroke kapag hindi na makontrol ng katawan ng tao ang mataas na temperaturang nararanasan nito sa kapaligiran.

“Ang nangyayari,  tumataas at tumataas yung body temperature natin up to the point that the body cannot contain or cannot control it anymore,” pahayag niya.

“So ang nangyayari, kapag patuloy na umiinit yung lugar or yung environment, the sweating mechanism of our body fails, up to the point that the body isn’t able to cool down,” dagdag niya.

Kapag daw nangyari na ang heatstroke, puwedeng tumaas mula 40 degrees Celsius pataas ang body temperature ng isang tao sa loob lamang ng 10 hanggang 15 minuto. Maaari rin daw itong maging sanhi ng “permanent damage” sa iba’t ibang parte ng ating katawan tulad ng puso, bato, at muscles. 

“That’s why it is a very serious illness that if cannot be treated early or cannot be prevented early, will only lead to death if the other organs are being damaged,” ani Monilla.

Young ones, elderly are at greater risk

Ayon sa medical officer, wala namang pinipiling edad na tatamaan ang heatstroke pero kung tatanungin kung sino ang pinaka-nanganganib na makaranas nito, ito ay ang mga bata at mga nakatatanda.

Photo courtesy: Ryan Baldemor | republicasia

Ito’y dahil hindi pa raw masyadong “defined” ang body organs ng mga bata.

“Their organs are still growing or still developing at that time, and the body system is still unable to cope up to very high–yung masyadong abrupt na changes sa environment natin,” paglilinaw niya.

Vulnerable din sa heatstroke ang mga nakatatanda dahil nanghihina na ang kanilang organs.

“Yung coping mechanisms nila is hindi na ganon kabilis para mag adjust sa abrupt changes in our environment,” ayon kay Monilla.

Kabilang sa mga dahilan kung bakit nagkaka-heatstroke ang isang tao ay ang pagsusuot ng masisikip na damit, pagsali sa mga nakakapagod na aktibidad tulad ng pagtakbo sa ilalim ng matinding araw, at pag-inom ng alak na posible raw makaapekto sa ating utak.

“Yung brain naman natin siya rin naman yung nagse-set o siya rin yung nagko-control ng temperature sa body natin. So, if ever kung mag te-take tayo ng alcohol, lesser yung chance na ma-control natin din yung other functions ng brain natin like yung pagkokontrol ng body temperature,” sabi ni Monilla.

Ayon sa mga pag-aaral, hindi na raw safe ang init kapag tumuntong na sa 10 a.m. 

“Starting 10 a.m. to 4 p.m., ‘yun na yung medyo delikado and highest temperature ng environment natin dito sa Pilipinas,” pahayag niya.

Ilan sa mga sintomas ng heatstroke ay pagkawala ng malay, pagkakaroon ng hot, dry skin o profuse sweating, kombulsyon, at mataas na core body temperature.

“Ang pinaka accurate na thermometer is usually yung anal thermometer natin, yung sa pwet. Usually, kapag chineck natin ‘yon kahit saang part ng katawan natin, 40 degrees Celcius na or mas mataas pa doon yung temperature natin sa katawan,” ani Monilla.

Dagdag niya, “Ang nangyayari kapag naapektuhan na ang other organs natin, pwede siya mag-lead to death. ‘Yun yung pinaka serious effect.”

Heat exhaustion, heat syncope

Bukod sa heatstroke, maaari ring makaranas ng heat exhaustion ang mga tao ngayong tag-init.

Paliwanag ni Monilla, nangyayari ang heat exhaustion dahil sa sobrang pagpapawis, pero hindi naman daw ito ganon kalala kung ikukumpara sa heatstroke.

“Ang nangyayari nagkakaroon yung patient ng headache, sobrang sakit ng ulo, nahihilo. Minsan para silang naduduwal or meron silang nausea na tinatawag. Minsan, iritable sila,” sabi ni Monilla.

“Yung iba nanghihina kasi sobrang init.Yung iba naman nagkakaroon ng signs na uhaw na uhaw sila. Tapos yung iba profuse ang sweating,” dagdag niya.

Photo courtesy: Ryan Baldemor | republicasia

Pero tulad ng heatstroke, posible rin daw makarananas ng elevated body temperature ang isang taong may heat exhaustion. 

“Minsan, dahil nga patuloy na nagpo-produce ng sweat yung katawan natin, yung nilalabas naman nating ihi or yung urine output natin is bumababa rin. Kasi nga nakukuha or nalalabas natin yung body fluids natin through sa sweat na natin, instead na through urination or sa pag-ihi natin,” paglilinaw niya.

Isa pa raw na heat-related illness ay ang tinatawag na heat syncope, kung saan apektado na ang ating utak.

Sa heat syncope, nahihilo o ‘di naman kaya’y nawawalan na aniya ng malay ang isang indibidwal dahil sa sobrang init na nangyayari kapag matagal na silang nakatayo. Kabilang sa mga dahilan ng heat syncope ay dehydration o lack of acclimatization kung saan hindi na kinakaya ng ating katawan ang pagbabago o pagtaas ng temperatura sa kapaligiran.

Preventions

Kaya naman ang tanong ng ilan, paano nga ba makaiiwas sa heatstroke o iba pang heat-related illnesses gaya ng heat exhaustion at heat syncope?

Ito ang ilan sa mga paalala ni Monilla sa publiko ngayong dry season:

  • Paglalagay ng sunscreen sa katawan tuwing lalabas
  • Paggamit ng sun protecting equipment gaya ng payong o sombrero
  • Pagsusuot ng magagaan at maninipis na damit
  • Pag-inom palagi ng tubig

Ayon kay Monilla, hindi rin nakatutulong ang pag-inom ng mga matatamis tulad ng soda dahil nakababawas daw ito ng tubig sa ating katawan.

First-aid

Kung sakali mang makaranas ang isang indibidwal ng heatstroke, ito ang ilan sa mga unang dapat na gawin:

  • Ilipat sa lugar na may lilim o malamig ang na-heatstroke. Mas mainam din kung mayroong electric fan o air cooling system ang lugar.
  • Tumawag ng ambulansya o medical practitioner. Kung maraming tao sa paligid, mas mabuting mayroong isa sa kanila ang humingi na ng tulong sa mga medical practitioner.
  • Gumamit ng cold compress. Makatutulong din ang pagpahid ng face towel na inilublob sa yelo sa parte ng katawan tulad ng mukha, leeg, o kili-kili.
  • Painumin ng tubig. Kung may malay naman ang na-heatstroke, makabubuti rin na painumin siya ng tubig para mapalitan ang nawalang body fluids.
  • Luwagan ang kasuotan. Maaari rin luwagan ang suot na damit ng na-heatstroke sa maingat na paraan, lalo na’t kung sobrang sikip nito. 

Ilan lamang daw ito sa mga unang dapat gawin kapag may taong tinamaan ng heatstroke, habang wala pa ang ambulansya. Ang ibang hakbang ay nakasalalay na raw sa medical practioner na tutulong sa kanila.

SUPPORT REPUBLICASIA

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter