fbpx
Search
Close this search box.

‘It’s Showtime,’ lilipat na sa Kapuso Network?

by Joanna Deala

USAP-usapan ngayon ang napapabalitang paglipat ng noontime variety show na “It’s Showtime” sa Kapuso Network.

Una itong inulat ng Pilipino Star Ngayon, kung saan sinabing “mukhang pinaplantsa” na ng ABS-CBN at GMA ang kontrata para sa paglipat ng naturang programa.

Bineripika rin ng The Manila Times Entertainment ang ulat sa kanilang “highly reliable industry source” na nagkompirma rin sa kanila ng lipatang magaganap at sinabing pag-uusapan na ng executives mula sa dalawang network ang mga detalye.

Ayon sa kanilang source, maraming “critical points” na dapat talakayin dahil hindi aniya madali ang pag-transfer sa “It’s Showtime” sa ibang network.

Umeere ang “It’s Showtime” sa second free-to-air channel ng GMA na GTV simula pa noong July 2023. 

Kasalukuyang ipinapalabas ng Kapuso Network ang Pinoy movies sa noontime slot na binakante ng “Tahanang Pinakamasaya” ng TAPE Incorporated. 

Nito lamang Enero ginamit ng TAPE ang pangalang “Tahanang Pinakamasaya” matapos maglabas ng order ang isang korte sa Marikina na nagbabawal na sa kanilang gamitin ang pangalang “Eat Bulaga!”

Namaalam naman na sa mga manunuod ang “Tahanang Pinakamasaya” nang ipalabas nila ang final episode nitong March 2. Kinabibilangan ito nina Isko Moreno, Paolo Contis, Buboy Villar, Chariz Solomon, at iba pa.

Sa isang pahayag, pinasalamatan ng TAPE ang GMA Network para sa kanilang “long and fruitful partnership.”

“GMA 7’s kind consideration and understanding of the company’s unwanted circumstances have been instrumental in helping the company in this transition,” sabi nito.

“Despite our best efforts to save the show, both parties have reached a mutual agreement to finally call off the show,” dagdag nito.

Samantala, ang “Eat Bulaga!” na nagsimulang umere noon pang 1979 ay kasalukuyang nasa TV5, matapos pumirma sa kanila ng kontrata ang showbiz trio na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon noong June 2023.

‘Tahanang Pinakamasaya’ replacement?

Napaulat din na posibleng ang “It’s Showtime” ang pumalit sa noontime slot ng “Tahanang Pinakamasaya,” ayon sa showbiz reporter na si Ogie Diaz.

Sa isang video na pinost ni Diaz sa YouTube, sinabi niyang tatlong tao na raw ang kanyang nakakausap patungkol dito at iisa lang daw ang kanilang sinasabi.

“Mukhang totoo ngang ang ‘It’s Showtime’ na ang ookupa ng noontime show ng GMA 7 na iniwan ng ‘Tahanang Pinakamasaya,’” sabi niya.

“At ang sabi, hintayin na lang daw natin ang formal announcement,” dagdag niya.

Umugong ang espekulasyon matapos magbigay ng cryptic message si “It’s Showtime” host Vice Ganda sa March 12 episode ng programa, kung saan inihayag niya na “the best days are coming.”

“Every day dapat nagho-hope tayo [that] the best days are coming. Kahit anong ganda ng araw natin, may igaganda pa ‘yan bukas,” sabi niya.

“Kumapit lang kayo dahil bonggang blessings at answered prayers ang matatanggap natin. Kalma, maniwala, kapit,” dagdag niya.

Sa ngayon ay wala pang inilalabas na pahayag ang Kapamilya at Kapuso networks sa umanong paglipat ng “It’s Showtime.”

Kapamilya x Kapuso stars

Ilang beses nang may mga naimbitahang Kapuso stars sa “It’s Showtime,” mula pa noong unang umere ang programa sa GTV noong nakaraang taon.

Kabilang dito sina Barbie Forteza, Julie Anne San Jose, Sanya Lopez, Bianca Umali, at Andrea Torres. Nakatungtong na rin ng “It’s Showtime” stage sina Michael V., Miguel Tanfelix, Ken Chan, at iba pa.

Matatandaang bumisita rin si GMA Senior Vice President for Programming, Talent Management, Worldwide, and Support Group Annette Gozon-Valdes sa naturang show kasama si ABS-CBN COO for Broadcast Cory Vidanes noong September 28 episode nito noong nakaraang taon.

Napabalita ring babalik si “It’s Showtime” host Teddy Corpuz sa game show ng GMA na “Family Feud” kasama ang kanyang co-hosts, matapos matalo ang kanyang bandang Rocksteddy sa pre-anniversary week episode ng naturang palabas. 

Wala pang ibang detalye kung sinu-sino ang makakasamang “It’s Showtime” hosts ni Teddy sa game show.

SUPPORT REPUBLICASIA

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter