fbpx
Search
Close this search box.

Aliw Falls sa loob ng ecopark, bagong pasyalan sa Luisiana, Laguna

by RepublicAsia

By Merlyn Manos

NAGHAHANAP ka ba ng bagong pasyalan ngayong Pasko na malapit sa Metro Manila? Eh kung eco-tourism park para todo bonding with nature ang peg kasama ang buong pamilya, kaibigan o ka trabaho, G ka?

Tara dito sa Pilgrim’s Dream Ecofarm Resort sa Luisiana, Laguna!

Di mo na kailangang makipagsiksikan sa Tagaytay o sa Baguio para makalanghap ng malamig na simoy na hangin. Ang Luisiana ay ang tinaguriang Little Baguio of Laguna.

Tampok sa 100-hektaryang ecopark ay ang mala-Niagara Falls na Aliw Falls kung saan pwede kang magtampisaw sa paanan nito.

Dahil sa ganda ng Aliw Falls, madalas na ring gawing wedding venue ang paanan nito.

May zip line, horseback riding, mga kayak, swimming pool, jacuzzi at marami pang ibang amenities ang ecopark. 

Hindi ka magkaka problema sa brownout dahil solar powered ang source ng kuryente nila para umano makatulong sa power shortage sa ating bansa at hindi maabala ang bakasyon ng mga turista.

Maaari ring libutin ang buong lugar sakay ng kanilang service. May helicopter din para sa mga ayaw ma traffic. 

Para sa mga beach bums, aba’y may dagat sa kabilang dulo.

Ayon sa may-ari ng Pilgrims Dream Ecofarm Resort na si Bernie Caramba, dinesenyo nila ang resort base sa klima ng lugar. 

“Ang maganda dito ay nature sya. Marami syang mga iba-ibang klaseng mga halaman. Yung mga halaman dito ay talagang very rare. So hindi mo sya makikita sa iba. Hindi namin alam kasi hindi namin kabisado yong mga halaman dito kaya nag invite kami ng medyo nakakaalam ng halaman,” ayon kay Caramba. 

Laking Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte si Caramba. Siya ay bunso sa walong magkakapatid. Ang kanyang ama ay isang magsasaka at mangingisda.

Sa hirap ng buhay sa Mindanao, nakipagsapalaran si Caramba sa Maynila pagtapos ng highschool. Nagtrabaho at nag aral nang sabay. Nang makatapos, nakapag patayo ng ibat ibang negosyo. Ang lupa na ito sa Luisiana ay kanyang napundar mula sa kanyang negosyo.

Pero noong dumating ang pandemya, di nya nais manatili sa loob ng bahay sa Metro Manila. Habang nagpapalipas ng lockdown sa Luisiana, naisip nyang magtayo na ng resort.

Kaya ang resort na ito ay natayo lang noong kasagsagan ng pandemya.

Mula Manila, dalawang oras at kalahati lang ang byahe kung gagamit ang kotse. Kung backpackers kayong magkakaibigan, pwede rin kayong sunduin ng bus service nila.

Ang renta nila ng cottage pang barkadahan ay affordable —P3,000 kada araw. Ang mga cottage na tinatawag na A House ay malapit sa Aliw Falls.

Sa mga nagtitipid at hiyang sa lutong-bahay, pwedeng-pwedeng magluto sa loob ng A House. Meron ding restaurant para dun magpaluto ang buong pamilya o barkada.

Photos courtesy Pilgrims Dream Ecofarm and Resort Facebook Page

SUPPORT REPUBLICASIA
TikTok star Mathilda Airlines, the new queer voice for the people