fbpx
Search
Close this search box.

Saranggolang gawa sa pera ng isang vlogger, binatikos

by Bryan Gadingan

SARANGGOLA ang isa sa mga tradisyong laruan ng mga Pilipino na gawa sa manipis na patpat, plastic at pinapalipad sa hangin.

Paano kung makakita ka ng isang malaking saranggola na gawa sa peso bills? Teka, pwede nga bang gamitin ang pera ng bansa para bumuo ng isang malaking saranggola? 

Iyan ang kinakaharap ng isang vlogger ngayon na si Boy Tapang Vlogs, matapos siyang umani ng batikos matapos niyang at gamiting materyales ng saranggola ang perang papel.

Screenshot from: Boy Tapang Vlogs | YouTube

Sa YouTube channel ni Boy Tapang Vlogs, inupload niya ang isang video, na ngayo’y deleted na, makikitang kasama niya ang kanyang mga kaibigan na gumagawa ng isang kakaibang saranggola gamit ang P1,000 bills.

Ayon kay Boy Tapang, nagkakahalaga ang saranggola ng isang milyong piso. Para sa kanya, gusto lamang niyang makagawa ng isang kakaibang saranggola, kaya naisipan niyang dikitan ito ng pera.

Inabot ng halos limang oras ang pagdidikit ng pera.  At nang pinalipad ito, isa-isang natutuklap at nalaglag ang peso bills. Sabi ng mga netizen, hindi magandang content ang pag-aaksaya ng pera lalo na’t marami ang nangangailangan nito.

Screenshot from: Boy Tapang Vlogs | YouTube

Humakot ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizens ang vlog ni Boy Tapang. Higit na makabubuti raw kung ibinahagi na lamang ng vlogger ang kanyang pera, o hindi kaya’y ginamit sa mas makabuluhang paraan.

Marami tuloy ang nagsabing sumusobra na ang mga content creator na gaya ni Boy Tapang, na kalokohan na ang nagiging laman ng content para lamang makakuha ng views at sumikat.

At tila salat ang kaalaman ng vlogger sa umiiral batas, ang Presidential Decree No. 247. Nakasaad dito na labag ang pagsulat o paglagay ng mga marka sa pera; pagpunit, paggupit o pagbutas; pagsunog; pagbabad sa mga kemikal at pag-staple o paglalagay ng pandikit sa pera ng bansa.  

May karampatang parusa na hindi hihigit sa P20,000 na multa o limang taong pagkakakulong. Pinapakita lamang ng penalty kung gaano kahalaga ang pagbibigay respeto sa pera ng bansa.

Screenshot from: Boy Tapang Vlogs | YouTube

Agad pinuntahan ng Payments and Currency Investigation Group ng Bangko Sentral ng Pilipinas si Ronnie Suan, o mas kilala bilang Boy Tapang at binigyan ng babala sa kanyang paglalaro sa pera ng bansa. 

Humingi naman agad ng paumanhin sa kanyang followers  at sa BSP ang vlogger sa isang public apology vlog na kanyang pinost noong nakaraang araw. 

Anya, hindi niya nais bastusin ang pera ng bansa, at ito ay talagang mahalaga sakanya. Naisipan lamang niyang gawin ang vlog na ito upang makagawa ng kakaibang saranggola na malayo sa nakagisnan.

“Gusto ko lang po humingi ng sorry sa Bangko Sentral ng Pilipinas, dahil sa ginawa kong saranggola na gawa sa pera,” sabi ni g.

“Hindi ko po intensyon na paglaruan ang pera kasi ako po ay galing rin sa hirap, pinapahalagahan ko po ang pera. Ginawa ko lang po ‘yung content na saranggola for entertainment purposes lang po,” dagdag niya.

Sa ngayon, wala pang inilalabas ang BSP na kaso o multa laban kay Boy Tapang. Dinelete na rin ng vlogger ang video.

Kahit ang mga netizen, nagsabing malaking aral ang nangyari upang hindi pamarisan at pahalagahan at respetuhin ang pera ng bansa, maliit na halaga  man ito o malaki.

SUPPORT REPUBLICASIA

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter