fbpx
Search
Close this search box.

Paano nga ba maging responsible pet parent?

by Joanna Deala

MARAMI nang balita at mga kwentong trending sa social media tungkol sa ating mga alagang hayop ang nagpaantig at nagbigay ng good vibes sa mga Pilipino, lalo na sa pet owners.

Pero mayroon din namang mga kwento ang umani ng samu’t saring batikos at reaksyon dahil sa umano’y iresponsableng pag-aalaga sa mga hayop.

Nitong nakalipas na mga araw, trending sa social media ang all-Pinay group na 4th Impact dahil sa kanilang GoFundMe page kung saan humihingi sila ng donasyon para sa kanilang Shih Tzu dogs na umabot sa 200.

Kabilang sa mga pumuna sa fundraising initiative ng grupo ang animal welfare advocacy group na Animal Kingdom Foundation (AKF). Sa isang pahayag, sinabi ng AKF na “totally irresponsible” ang pagpaparami sa mga alagang hayop nang hindi handa para sa pangangalaga at tirahan ng mga ito.

Mga dapat ikonsidera ng pet owners

Pero paano nga ba maging isang responsableng pet parent? 

Ayon kay Attorney Heidi Caguioa, program director ng AKF, may ilang factors na dapat ikonsendera ang mga indibidwal sa pag-aalaga ng mga hayop. Kabilang na rito ang kanilang kapasidad na pangalagaan ang mga hayop financially, emotionally, at physically.

Attorney Heidi Caguioa. | Photo courtesy: republicasia

“We have to raise furbabies or take care of pets based on our capacity to care—capacity to care [financially], [emotionally], and [physically] kasi do you have enough people with you that really take care of your animals or your pets,” sabi ni Caguioa sa panayam ng republicasia.

“Do you have the proper space or facility to ensure the safety and comfort of the animals that you are also caring for?” dagdag niya.

Pero kung meron mang biggest advice ang AKF sa lahat ng furparents, ito ay ang ipa-spay at neuter ang kanilang alagang hayop para malimitahan ang kanilang pagdami.

Photo courtesy: Unsplash

Sa spaying, tinatanggal ang ovaries at uterus ng mga babaeng hayop, samantalang ang neutering naman ay ang pagtanggal sa testes ng mga lalaking hayop.

Ayon kay Caguioa, may iba’t ibang benepisyo sa kalusugan ng pets ang spay at neuter. 

“It limits or prevents them from roaming around. ‘Pag nagro-roam kasi ‘yan, the next issue there is their safety,” ani niya.

Nakakatulong din daw ito sa pag-improve ng kanilang behavior.

“It lessens aggression, it lessens spraying [o] yung pee anywhere in the house or vicinity of the owner’s property, and also when we say improved behavior, less aggression, mas mapapamahal sa’yo yung aso, mas hindi siya gagala, mas docile siya,” sabi ni Caguioa.

Binigyang-diin din niya na malaking tulong sa population control ang spay at neuter para maiwasan na rin na sila’y maging stray animals.

“No matter how much we love them, if we cannot control or care for them, mamaya they end up on the streets and they become part of the stray population in the community,” paliwanag niya.

May limit ba?

Sa ngayon ay wala namang batas sa bansa na naglilimita sa bilang ng hayop na pwedeng alagaan ng isang indibidwal, ayon kay Caguioa.

Pero mahalaga aniyang ikonsidera ng pet owners ang kanilang kapasidad na pangalagaan ang mga hayop, lalo na’t parte ito ng responsibilidad ng pet ownership.

Photo courtesy: Unsplash

“It can also be bordering [on] hoarding already. Kuha ka nang kuha, you already have how many number of dogs, but in terms of financial capacity ay wala ka namang enough money to support those animals,” sabi ng program director.

Maaaring mapabayaan ang mga pangangailangan ng kanilang mga alagang hayop, na posible namang magresulta sa legal consequences sa mga furparent.

“When animals are neglected, the owner or the person who is in custody of those animals can be held liable for neglect of animals or cruelty to animals under the Animal Welfare Act,” pagdiin ni Caguioa.

Posible rin daw na maglabas ang city at provincial governments ng sarili nitong ordinansa tungkol sa pet ownership.

Fundraising initiative

Naging usapin online ang pet parenting matapos mapabalita na nag-set-up ng online fundraising platform ang girl group na 4th Impact—na binubuo ng magkakapatid na sina Almira, Irene, Mylene, at Celina Cercado—nitong nakaraang buwan para sa kanilang 200 Shih Tzu dogs. Ayon sa grupo, lima lang ang kanilang mga alagang aso na iniregalo ng kanilang fans.

Sa kanilang GoFundMe page, sinabi ng grupo na layon nilang makalikom ng pondo para mailipat ang kanilang mga aso sa isang “safe and expansive farm.” 

Ito’y matapos anila ikabahala ng kanilang mga kapit-bahay ang ingay ng mga alagang aso, kaya napilitan ang grupong ihiwalay sa kanilang bahay ang ilan sa kanilang pets.

“This separation pains us deeply. You see, each of those dogs holds a special place in our hearts. We’re not just their caregivers; we’re their family,” sabi ng grupo sa kanilang GoFundMe page.

“Their well-being means everything to us. And now, as we look into their eyes, we see the longing for a home where they can run, play, and thrive together,” dagdag nila.

Target ng 4th Impact makalikom ng $10,000 para sa bagong tahanan ng kanilang mga Shih Tzu.

Pero deleted na ngayon ang naturang fundraising page ng 4th Impact.

‘Totally irresponsible’

Paliwanag ni Caguioa, malaki ang posibilidad na nagkaroon ng “inbreeding” sa mga alagang aso ng girl group kaya dumami sa 200 ang mga ito.

Nangyayari ang inbreeding kapag ang isang hayop ay nagpalahi sa kamag-anak o kadugo nito, na posibleng makaapekto sa kalusugan ng kanilang anak.

“It increases yung risk ng diseases, abnormalities, and any other health conditions sa mga offspring,” sabi ni Caguioa.

Ayon sa program director ng AFK, nasabi nilang “totally irresponsible” ang pagpapalago ng grupo sa kanilang mga aso dahil hinayaan nila itong mangyari kahit na may health risks na dala ang inbreeding. 

Bigo rin aniya ang naturang pet owners na ikonsidera ang pagpapa-spay at neuter sa kanilang mga alagang hayop. Iresponsable rin daw na hindi nila kinonsidera ang ingay na naidudulot ng 200 Shih Tzu sa kanilang mga kapit-bahay.

“The 200 Shih Tzu, those are markers, maingay ‘yang mga ‘yan. They failed to consider also the situation or the effect of this [on] their neighbors, which apparently is the reason why they put up that GoFundMe kasi they wanted to move the dogs to another place,” ani Caguioa.

“It also sends [the] wrong message to the public that hoarding or collection of so much number of dogs is okay, and if hindi na sila okay, they can just fundraise,” diin niya.

Gayunpaman, naniniwala ang AKF na napapakaing mabuti at hindi minamaltrato ang mga aso.

“In the pictures, the dogs look nice, they look happy, okay naman ‘yon,” ayon kay Caguioa.

Anong posibleng mangyayari?

Ngayong deleted na ang GoFundMe page ng 4th Impact, posibleng isa sa mga tanong sa ating isip ay kung anong pwedeng mangyari sa 200 Shih Tzu dogs.

Sabi ni Caguioa kung hindi maililipat ang mga aso, posibleng ang local government units (LGUs) na mismo ang kumuha sa mga ito.

“Kasi if they’re violating the local ordinance or if they don’t have any permit to keep [that] number of dogs in their house and it already causes nuisance to the community, the local government units may step in and take the dogs,” paliwanag niya.

Saan naman ito dadalhin ng LGUs kung sakali? Batay sa implementing rules and regulations ng Animal Welfare Act, sinabi ni Caguioa na posibleng ilagay ang mga aso sa isang government facility o shelter na accredited ng Bureau of Animal Industry. 

Photo courtesy: Pexels

Maaari rin daw na mismong accredited shelters na ang mag-offer na kunin ang mga alagang aso. Pero kung sakaling sa kanila ibibigay ang mga ito, pwede rin daw tumanggi ang shelters dahil sa ilang factors tulad ng wala na silang enough space, walang “proper” facility para sa uri ng mga asong ito, o ‘di naman kaya’y may existing diseases ang mga ito.

“Wine-weigh ‘yon ng Bureau of Animal Industry. Hindi naman mandatory ‘yon, there’s always that decision whether to accept or refuse,” ani niya.

Sa ngayon ay wala pang pahayag ang kampo ng 4th Impact tungkol sa naturang issue. Sinubukan ding kunin ng republicasia ang panig ng grupo sa email pero wala pa silang sagot.

SUPPORT REPUBLICASIA

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter