fbpx
Search
Close this search box.

Mga artista, nakiramay sa pagkamatay ni Jaclyn Jose

by Gaby Agbulos AND Joanna Deala

IKINAGULAT ng publiko ang biglaang pagpanaw ng batikang aktres na si Jaclyn Jose, o ‘Mary Jane Guck’ sa tunay na buhay. 

Ayon sa anak ng  aktres na si Andi Eigenmann, myocardial infraction o atake sa puso ang ikinamatay ni Jose. Humihingi naman muna ng pribadong oras ang pamilya sa lamay ng aktres.

Kilala si Jose sa industriya bilang isang magaling at versatile na aktres. Humakot siya ng mga parangal  mula sa FAP, Cannes Film Festival, FAMAS, Gawad Urian, MMFF, Star Awards, Golden Screen Awards, at marami pa para sa mga pelikula tulad ng Patay na si Jesus, Ma’ Rosa, at A Secret Affair. 

Nang pumanaw ang aktres, ginunita ng ilang mga nakasama ni Jose ang masasayang alaala sa kanilang social media tulad na lamang nina Dimples Romana, Kylie Nicole Padilla, at Gladys Reyes.

Pagpapakitang suporta

Sa post ni Dimples Romana sa Instagram, na nakasama si Jose sa Minsan May Puso at May Minamahal: “Lost another true icon: Tita Jane, I remember all the laughter, the lessons you generously taught me as a young actor back when we were shooting this movie in 2001 and for our May Minamahal remake. Mahal kita at alging yayakap ng mahigpit, you will never be forgotten.” 

Katabi nito ang litrato ng dalawa sa set ng Minsan May Puso.

Sabi naman ni Kylie Nicole Padilla, na may kasamang litrato ng dalawa na nagyayakapan sa set ng Bolera, na umiiyak pa rin siya dahil sa balita at naririnig pa rin niya ang boses ng aktres sa utak niya hanggang ngayon.

“I remember our heart to heart conversations under the stars sa taping ng Bolera,” nakalagay sa kapsyon ng aktres. 

“We talked about motherhood. Life. And love. I loved your energy. I remember the scenes sa Bolera na di tayo makapagpigil ng kakatawa kasi ganun ka kasaya kasama. Thank you for being [a] mom to me but also being a friend to me. It’s only a comfort that I saw you last night in my dreams smiling, I got a sense that you were at peace wherever you were. And that’s what you deserve. RIP Tita Jane.”

“Paalam kaibigan… great actress [and] mother… JJ,” naman ang maiksing mensahe ni Dennis Padilla na may kasamang litrato ng dalawa mula sa isang episode ng MPK.

“Mahal na mahal kita Abe, masakit na paalam,” sulat ni Gardo Versoza sa isang throwback picture ng dalawa na magkayakap sa isa’t isa.

“Magkwekwentuhan pa tayo diba?”

Si Ice Seguerra naman, ini-repost ang litrato ng Pilipino Star Ngayon, at isinabi na hindi pa rin siya makapaniwala sa balita. 

Sabi niya: “Maraming salamat sa pagmamahal mo kay Liza. Lagi mo siyang sinusuportahan nung nasa FDCP at pinagtatanggol nung wala na siya. Thank you for your kindness. Sobrang nakakalungkot. Nakikiramay ako sa pamilya at sa lahat nang nagmamahal sa nag-iisang Jaclyn Jose. Napakalaking kawalan sa buong industriya.”

Si Lito Lapid, naglabas din ng statement sa ABS-CBN; nakatrabaho niya ito sa pinakahuli niyang proyekto na Batang Quiapo.  Sa kanyang statement, sinabi niya: “ “Si Jaclyn po ay isang alagad ng sining na naging bahagi sa di mabilang na likha sa larangan ng pelikula at telebisyon. Ako po ay biniyayaan na makatrabaho si Jaclyn sa kamakailan lamang sa pelikulang ‘Apag’ at sa “FPJ’s Ang Batang Quiapo. Hindi po matatawaran ang kinang ng kanyang bituin na nagbigay liwanag sa napakaraming likhang sining na nagpayaman sa ating kultura at sumalamin sa ating pagka-Filipino.”

Nag-post naman si Gladys Reyes ng bidyo kasama ang aktres kungsaan nagtatawanan ang dalawa at nagsasabihan na mahal nila ang isa’t isa. Sa kapsyon, nakasulat: “Ate Jane nakakagulat naman, binigla mo kaming lahat. Ang dami nating pinagsamahan, simula nine years old ako sa Lovingly Yours Helen, hanggang dito sa huling movie natin na Apag, ‘di ka nagbago sa’kin.”

“Salamat sa mga tips, pag-alaga mo sakin na parang ate kita talaga. Nabawasan na naman ng isang magaling at de kalibreng aktor ang industriya. Mamimiss namin ang nag-iisang Jaclyn Jose.”

Mga parangal ni Jaclyn Jose

Si Jose ay nakilala dahil sa kanyang talentong gumanap ng iba’t ibang karakter, mapa-pelikula man o teleserye, simula pa noong ‘80s. Naikot niya na rin ang iba’t ibang genres tulad ng horror, drama, comedy, o romance.

Dahil sa kanyang galing sa pag-arte, nakasungkit na ng maraming nominasyon at parangal si Jose sa kanyang decades-long career sa show business.

Narito ang ilang sa kanyang naging parangal:

Gawad Urian wins

Isa si Jose sa mga aktres na may long string of recognitions mula sa prestihiyosong Gawad Urian Awards.

Nakasungkit siya hindi lang isa, dalawa o tatlo, kundi limang parangal mula sa award-giving body. Una siya nitong kinilala bilang Best Actress dahil sa kanyang pagganap sa 1986 film na “Takaw Tukso.”

Tinanghal ulit siyang Best Actress sa ikalawang pagkakataon para naman sa pelikula niya noong 1988 na “Itanong Mo Sa Buwan.”

Nakatanggap din siya ng dalawang Best Supporting Actress awards para sa 1988 film “Macho Dancer” at 1995 film “The Flor Contemplacion.”

Taong 2006 nang muli niyang maiuwi ang Best Actress award para sa kanyang pagganap sa pelikulang “Sarong Banggi.”

Luna Awards’ Best Supporting Actress

Dahil din sa pelikulang “The Flor Contemplacion,” naiuwi ni Jose ang Best Supporting Actress noong 1996 mula sa Luna Awards ng Film Academy of the Philippines.

Pangalawang beses niya itong napanalunan noong 2005, para naman sa 2004 movie na “Naglalayag.”

FAMAS win

Kinilala rin ng iba pang award-giving body ang remarkable talent ni Jose, kabilang ang Filipino Academy of Movie Arts and Sciences Awards (FAMAS).

Noong 2013, napanalunan ni Jose ang Best Supporting Actress award para sa kanyang pagganap sa 2012 romance drama film “A Secret Affair,” na pinagbibidahan nina Anne Curtis, Derek Ramsay, at ng kanyang anak na si Eigenmann.

Naging patok din sa kabataan ang iconic line ni Jose mula sa naturang pelikula, kung saan sinabi niyang, “Shut up! B*tch ka lang, ako super b*tch.”

Historic Cannes win

Hindi mapagkakailang exceptional ang acting skills ni Jose, na na-recognize maging ng isang international award-giving body.

Sa 69th edition ng Cannes Film Festival noong 2016, nasungkit ni Jose ang prestihiyosong Best Actress award para sa kanyang natatanging pagganap bilang isang ina na napilitang magbenta ng iligal na droga dahil sa kahirapan sa 2016 movie na “Ma’ Rosa” ng direktor na si Brillante Mendoza. Historic win ito para kay Jose dahil siya ang kauna-unahang Filipino Cannes winner. 

Sa kanyang acceptance speech, sinabi ng aktres na hindi siya makapaniwalang napanalunan niya ang award. Pinasalamatan niya ang mga bumubuo ng naturang film festival, pati na rin si Mendoza.

Ani ng Dangal honor

Dahil sa kanyang Cannes award, binigyang-pugay din si Jose sa 9th Ani ng Dangal awards ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) noong 2017.

May ilan ring pinarangalan ang NCCA na Filipino filmmakers at iba pang aktor tulad nina John Lloyd Cruz at Barbie Forteza.

Movie Icon Award

Nitong nakaraang taon, isa si Jose sa recipents ng Movie Icon Award sa 6th Entertainment Editors’ Choice Awards, o The Eddys.

Ibinigay rin ang recognition sa iba pang mga actor tulad nina Aga Muhlach, Richard Gomez, Gabby Concepcion, Niño Muhlach, Snooky Serna, Barbara Perez, and Nova Villa.

SUPPORT REPUBLICASIA

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter