fbpx
Search
Close this search box.

Jiro Manio, bumida sa music video, balik-showbiz na?

by Joanna Deala

MULI na namang nasaksihan ng mga Pilipino ang angking talento ng dating child actor na si Jiro Manio, matapos niyang bumida sa music video ng bagong version ng hit OPM song na “Magbalik” ng renowned pop rock band na Lily.

Inilabas ng Lily ang official music video ng “Magbalik 2.0” noong March 8, kung saan tinalakay ang complexities ng love, longing, at nostalgia. 

Ipinakita rito ni Manio ang kanyang emosyonal na pagganap bilang isa sa tatlong magbabarkada na nagkagusto sa babae niyang kaibigan. Hindi sila nagkatuluyan dahil sa kaibigan niyang lalaki nagkagusto ang kanyang love interest.

Naging supportive ang dalawang kaibigan ni Manio sa kanya hanggang siya ang mapiling bagong gitarista ng Lily sa music video. Napagtanto ni Manio na hindi lamang ang kanyang mga kaibigan ang sumuporta sa kanya, kundi pati na rin ang kanyang ina.

“Medyo emotional pero okay naman, na-handle ko naman,” sabi ni Manio sa panayam ng republicasia.

Photo courtesy: republicasia

Kwento ni Manio, tinawagan siya at inalok na bumida sa music video na kanya naman agad tinanggap. 

“Nagulat ako kasi pinapanood ko lang sa YouTube yung Lily, Magbalik nga, yung bago nilang version. Masaya ako kasi na-meet ko sila, mababait tapos talagang magaling,” saad ni Manio.

Pero nilinaw niya na ang pagpayag niya sa collaboration kasama ang bandang Lily ay hindi nangangahulugang balik-showbiz na siya. Sabi ni Manio, kuntento na siya sa ngayon.

“Sa ngayon, ang masasabi ko lang okay naman ako sa simpleng buhay and hindi ko naman wini-wish na makabalik ulit sa entertainment industry, pero nasa akin pa rin naman yung mga awards ko, and then hawak ko pa rin yung title ng pangalan ko na Jiro Manio,” sabi niya.

“Kung ano lang yung pumasok sa’kin na kaya kong gawin, siguro yun lang muna,” dagdag niya.

Sabi ni Manio, mas nakatuon siya ngayon sa kanyang sarili at pamilya.

“Marami akong plano na pansarili ko and ang mashe-share ko lang siguro yung plans ko sa family ko na mag-stay together lang sa kanila,” pagbabahagi niya.

Hopeful din si Manio, na dating nasangkot sa paggamit ng iligal na droga, na sana’y magtuloy-tuloy na ang kanyang recovery.

“Medyo panghabang buhay yung gamutan eh kaya hindi ko basta-basta pwedeng iwan,” ani niya.

‘Magbalik 2.0’

Matatandang nag-rebrand ang bandang Lily na dating kilala bilang Callalily. Binubuo ang banda nina Joshua Mari Bulot, Lemuel Belaro, Aaron Paul Ricafrente, Noemer Alden Acosta, Nathaniel Joseph Reyes, at Ezra Jehu Decinal.

Bahagi ng kanilang rebranding ang “Magbalik 2.0,” kung saan ipinakita ng banda ang kanilang version bilang Lily.

Lemuel Belaro (middle). | Photo courtesy: republicasia

“Gusto ko matandaan ng tao yung bagong version. Dito sa bagong ‘Magbalik,’ nagdagdag kami ng lyrics sa una. Nilagay namin yung point of view ng girl bago yung old lyrics,” ayon kay Belaro.

Joshua Mari Bulot (middle). | Photo courtesy: republicasia

Para naman kay Bulot, ang bagong version ng “Magbalik” ang magsisilbing introduction ng banda bilang Lily bago sila maglabas ng bagong mga kanta. 

Dagdag niya, puro bagong kanta na ang ire-release ng banda pagkatapos ng “Magbalik.”

Sa ngayon, nasa higit 212,500 na ang views ng music video ng “Magbalik 2.0” sa YouTube.

Advice to young artists

Marami nang rising young OPM bands sa henerasyon ngayon. Bilang mga ”kuya” sa local music industry, may iniwang payo para sa kanila ang mga miyembro ng Lily.

Ayon kay Belaro, mahalaga para sa young bands ang magkaroon ng sistema.

“It’s like a business. Para tumagal ang banda, laging may sistema. Kunwari meron kayong contract as a band or may nagma-manage sa inyo,” sabi niya.

Dagdag niya, hindi rin dapat sila kaagad sumuko, lalo na’t malaki rin ang tulong ng social media sa pagsikat ng mga kanta.

“Kasi may mga kantang biglang sumikat lang sa TikTok, then naging famous yung band nila. You’ll never know talaga, hindi niyo malalaman kung ano yung puputok at sisikat,” paliwanag ni Belaro.

Pinaalalahanan din ni Bulot ang Gen Z bands na maging humble at pakitunguhang mabuti ang mga taong kanilang makakasalamuha.

“Bilog ang mundo. Kunwari ‘di mo pinapansin yung taong yan, tapos siya naman yung nandoon [sa tuktok], hindi natin alam, kaya maging mabait ka na sa lahat,” ayon sa vocalist.

Para naman kay Ricafrente, mahalaga rin sa mga banda na mahalin ang kanilang musika.

Syempre, hindi rin dapat kalimutan ng mga kabataang i-enjoy ang kanilang music journey, ayon kay Acosta.

SUPPORT REPUBLICASIA

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter