fbpx
Search
Close this search box.

Ex-PSG chief tinurong ‘mastermind’ sa pagpatay sa Davao model — PNP

by Froi Garces AND Armando Fenequito

Recently updated on February 10, 2023 04:48 pm

DAVAO CITY — MURDER at obstruction of justice.

Ito ang mga kasong isinampa laban kay Brig. Gen. Jesus Durante III, Brigade Commander ng Philippine Army at dating Commander ng Presidential Security Group (PSG), kaugnay ng pagpatay sa model na Yvonette Chua Plaza sa Davao CIty noong nakaraang buwan.

Ayon kay P/Regional Office 11 Director Brig. Gen. Benjamin Silo Jr., lumalabas sa imbestigasyon ng PNP at ng Philippine Army na si Gen. Durante mismo ang “mastermind” sa pagpatay kay Plaza.

May relasyon daw ang dalawa at ang pagpatay ay isa raw “crime of passion.”

Balik-tanaw sa kaso

Binaril si Plaza sa harap mismo ng kanyang nirerentahang bahay sa Green Meadows Subdivision sa Davao City noong December 28, 2022.

  • 38-anyos ang model at businesswoman
  • Nakunan sa CCTV ang pamamaril ng riding-in-tandem
  • Noong nakaraang taon, nakag-post sa social media si Plaza na bugbog-sarado, at tinuturo si Gen. Durante na bumugbog sa kanya
  • Binawi rin ni Plaza ang post at sinabing hindi si Gen. Durante ang bumugbog sa kanya
  • Sa panayam kay Durante nitong mga nakaraang linggo, tinanggi nyang may kinalaman sya sa pagkamatay ni Plaza. Pero inamin nyang kaibigan nya si Plaza
  • Ang Philippine Army nagsabi na iimbestigahan nila si Gen. Durante
  • Si Durante ay naging commander of PSG noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, bago naging commander ng 1001st Brigade sa ilalim ng 10th ID.
Post ni Yvonne Chua-Plaza noong nakaraang taon

Paano nasangkot si Durante

Binuo ng PNP at Philippine Army ang Special Investigation Task Group (SITG) Plaza para magsagawa ng imbestigasyon.

Sa isang press conference sa Camp Quintin Mericido, sinabi ni Gen. Silo na base sa mga ebidensyang nakalap ng SITG Plaza, kasama na rito ang “extra-judicial confession” ng gunman at nagmamaneho ng motor, lumilitaw na si Gen. Durante diumano ang nagpapatay sa modelo.

Nag-umpisa raw mag-imbestiga ang 10th ID ng Philippine Army nang nawala ang isang Corporal Romar Longakit ng 1001st Brigade.

Hindi malinaw kung paano nai-rescue si Longakit pero lumabas na sya pala ang diumano’y nagsagawa ng surveillance sa bahay ng biktima bago ang nangyaring pagpatay.

Saka napagtagpi-tagpi ng mga imbestigador na ang gunman at rider ng motor ay mga tauhan din ni Durante sa 1001st Brigade — sina Sgt. Delfin Sialsa Jr. at Cpl. Adrian Cochero.

Ang 10th ID, itinurnover sa PNP sina Sialsa at Cochero noong January 19.

Anim na araw din ang interogasyon at saksi ang taga-Public Attorney’s Office, pinirmahan at sinumpahan ang isang extrajudicial confession na nagtuturo kay Gen. Durante.

Bukod kay Gen. Durante, tinuro ring sangkot ang deputy commander ng 1001st Brigaden na si Col. Michael Licyayo. Siya umano ang nagbigay ng logistics para iligpit si Plaza.

Si Col. Licyayo rin daw ang nagbigay sa kanila ng eksaktong lugar ni Plaza noong gabi ng December 28, 2022.

‘Crime of passion’

Base sa data na nakuha mula sa cellphone at laptop ni Plaza, lumalabas na may relasyon sina Durante at Plaza.

May mga “intimate pictures” daw ang dalawa.

Meron din daw “sensitive information” na alam si Plaza at ginamit nya itong pang-blackmail kay Durante.

“Base sa investigation natin, (ito ay) crime of passion,” ayon kay Police Col. Alberto Lupaz, director of Davao City police office.

Mga kinasuhan

Bukod kay Gen. Durante, kinasuhan ng murder at obstruction of justice sina Col. Licyayo at iba pang mga sundalo ng 1001st Brigade:

1. BGEN JESUS P DURANTE III

    -murder

    -Obstruction of justice (PD 1829)

2. COL MICHAEL D LICYAYO

    -murder

    – violation of PD 1829

3. SSg Gilbert P Plaza

    -murder

    -violation of PD 1829

4. Sgt Delfin L Sialsa, Jr

    -murder

    -theft

5. Cpl Adrian N Cochero

     -Murder

     -theft

6. PFC Rolly Cabal, PFC Romart Longakit, Noel H Japitan, and John Doe alias Jr

     -murder

7. John Doe alias master sergeant 

    -violation of PD 1829

Relief order sa Army

Matapos sampahan ng kasong murder at obstruction of justice, sinibak sa pwesto si Durante ng Philippine Army, ayon Army Chief Lt. Gen. Romeo Brawner. 

Tinanggal din sa pwesto ang tatlong tauhan ni Durante.

Nagpasalamat si Gen. Silo sa kooperasyon ng 10th Infantry Division para lutasin ang kaso.

Ayon kay 10th ID deputy commander Brig. Gen. Allan Hambala, agad na ni-relieve si Durante matapos na mabanggit ang pangalan nito sa social media matapos mapatay si Plaza.

Dating nanungkulan si Durante bilang PSG Commander sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bago ito naging Commander ng 1001st Brigade.

SUPPORT REPUBLICASIA

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter