fbpx
Search
Close this search box.

Apo Whang-Od: Pinakamatandang mambabatok ng Pilipinas

by Deanna Macaranas

KAHIT gaano pa kalayo ang Tinglayan, Kalinga, dumarayo sa Buscalan mapa-dayuhan man o lokal na turista hindi lang para magpa-tattoo, kundi para masilayan din ang itinuturing na pinakamatandang mambabatok ng bansa, ang 106 talong gulang na si Maria Oggay o Apo Whang-Od.

Tinitingala Si Apo Whang-Od sa mundo ng traditional tattoo artistry

Sinasabing siya ang pinakahuling mambabatok ng kanyang tribung Butbut.

 Buhay pa rin sa pamamagitan ng kanyang mga kamay ang isanlibong taon nang tradisyong pagbabatok o pagta-tattoo na gumagamit ng tinik mula sa puno ng suha, at ikinakabit sa stick na yari sa kawayan at abo bilang tinta.

Kilala ang mga tribu sa Kalinga sa paglalagay ng tattoo sa katawan. Sumisimbulo ng pagkakakilanlan, katapangan at kapangyarihan ang mga marka o batok sa katawan.

At lahat ng tribu ay may tinatawag na mambabatok o master tattoist. At isa rito si Apo Whang-Od.

Sinasabing natuto si Apo Whang-Od noong 15 taong gulang pa lamang.

Kung dating mga lalaki lamang ang mambabatok, nakitaan naman si Whang-Od ng potensyal ng kanyang ama.   

Sa isang dokumentaryo ni Joan Planas, ibinahagi ni Whang-Od ang kaniyang kauna-unahang tattoo na ‘ladder’ at ‘phyton.’

Para sa kanya, itinuturing niyang palamuti sa katawan ang kanyang tattoo.

Sabi ni Whang-Od, ang pagta-tattoo ng mga magulang sa kanilang anak na babae ay bahagi ng pagpapaganda. 

Ang kinabukasan ng sinaunang sining 

Hindi nakapag-asawa si Apo Whang-Od.

Namatay ang kanyang kasintahan noong siya ay 25-anyos pa lamang at hindi na muling umibig pa.

At dahil hindi nagkaanak, pinili niya ang kanyang dalawang pamangkin na sina Grace Palicas at Elyang Wigan upang maging tagapagmana ng kaniyang sining.   

Unang natuto si Grace mambatok noong siya ay 10-anyos lamang at si Elyang sa edad na 16-anyos.

Si Apo Whang-Od at ang turismo

Noon lamang 2022, iniulat ng Municipal Tourism Office ng Tinglayan, Kalinga na nakapagtala sila ng 10, 366 tourist arrivals lokal man o dayuhan ang bumisita kay Apo Whang-Od.

Malaki ang naiambag ni Apo Whang-Od sa pagbuhay ng industriya ng pambabatok sa Kalinga na nagbigay ng pangkabuhayan at trabaho sa mga local tour guide at homestay. 

Nakilala rin ang iba pang mga tanawin sa lugar na sinasadya na rin ngayon.

Pagkilala at parangal 

Dahil sa kanyang pagmamahal sa pamanang sinaunang sining, kabi-kabila rin ang parangal na natanggap ni Apo Whang-Od.

Makailang-beses ding nakapasok sa nominasyon bilang isa sa ‘living national treasures’.

Ginawaran siya ng National Commission for Culture and the Arts ng 2018 Dangal ng Haraya Award for Intangible Cultural Heritage.

April 2023, lumabas si Si Whang-Od sa cover ng Vogue Philippines’ Beauty Issue. Ang pinakamatandang naitampok sa cover ng Vogue sa buong mundo.

Naging inspirasyon naman sa inirampang evening gown ni Miss Philippines 2023 Michelle Dee sa final night ng Miss Universe 2023 sa El Salvador si Apo Whang-Od. 

Sa Instagram post ng beauty queen, ibinahagi ni Dee na isang  tribute ang kanyang gown para sa isang pambihirang babae na inialay ang buong buhay sa pangangalaga ng sinaunang sining ng bansa.

“A tribute to a legendary Filipina who has become an icon, preserving the rich cultural heritage of indigenous tattoo art. She has achieved global recognition and symbolizes timeless beauty, coinciding with Miss Universe lifting its age restrictions, championing inclusivity and challenging age stereotypes,” ayon kay Dee.      

SUPPORT REPUBLICASIA

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter