fbpx
Search
Close this search box.

Libreng sakay sa LRT-2, MRT-3 sa Labor Day

by Joanna Deala

LIBRENG sakay sa mga manggagawa ang handog ngayong Labor Day ng pamunuan ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Sa advisory ng Department of Labor and Employment (DOLE), kailangan lamang magpakita ng company ID o government-issued ID para sa mga edad 18 pataas.

Libre ang sakay sa LRT-2 at MRT-3 mula 7:00 AM hanggang 9:00 AM, at mula 5:00 PM hanggang 7:00 PM.

Sabi ng Light Rail Transit Authority (LRTA), operator ng LRT-2, isang pasasalamat ito sa mga manggagawang Pilipino para sa kanilang “kasipagan, kagitingan, at kontribusyon sa lipunan.”

“Hindi man po namin matatawaran ang inyong sakripisyo at ang inyong napakalaking ambag, sana maiparamdam namin sa pamamagitan nitong libreng sakay ang aming taos-pusong pasasalamat sa inyo. Mabuhay ang mga bagong bayani,” ani LRTA administrator Hernando Cabrera.

Sa hiwalay na advisory, sinabi naman ni Transportation Assistant Secretary for Railways at MRT-3 officer-in-charge Jorjette Aquino na isang regalo ang libreng sakay para sa mga manggagawang araw-araw kumakayod para sa pamilya.

“Ang kanilang mga sakripisyo ang aming inspirasyon upang patuloy na pagbutihin ang aming serbisyo. Ipinagmamalaki, pinasasalamatan, at sinasaluduhan po namin ang lahat ng mga manggagawang Pilipino,” wika niya.

Bagama’t may mga nagpapasalamat, hirit naman ng ilang netizens na sana’y hindi na lang scheduled ang free rides sa May 1.

“Dapat ginawa na nila ng 24hrs yung libreng sakay. Isang araw lang naman at malaking tulong na sa masa,” comment ng isang online user sa Facebook post ng MRT-3.

Ganito rin ang hiling ng isang Facebook user para ma-accommodate ang mas marami pang pasahero at “ma-maximize ang buong araw.”

Regular holiday

Sa Pilipinas, regular holiday ang Labor Day na pinagdiriwang tuwing May 1.

Ilan sa mga manggagawa sa araw na ito ay walang pasok, o kung meron man, may karapatan silang makatanggap ng double pay, ayon sa DOLE.

Unang ginunita ang Labor Day sa Pilipinas noong May 1, 1903 na inorganisa ng Union Obrera Democratica de Filipinas, ang unang labor federation sa bansa.

Tuwing May 1, may ilang labor groups ding nagkakasa ng kilos-protesta para manawagan ng dagdag-sahod at benepisyo.

SUPPORT REPUBLICASIA

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter