fbpx
Search
Close this search box.
philippine news

Ano ang solar eclipse at saan ito makikita ngayong Abril 8?

by Joanna Deala

NGAYONG Lunes, Abril 8, makikita sa kalangitan ang total solar eclipse sa North America, partikular na sa Canada, Mexico, at Estados Unidos. Ito ang unang solar eclipse na dadaan sa North America matapos ang “Great American Eclipse” noong August 2017.

Ayon sa NASA, tinatayang nasa 215 milyong indibidwal sa Amerika ang nakakita sa solar eclipse noong 2017, na tumagal ng dalawang minuto at 40 segundo. 

Pero kung ikukumpara ito sa April 8 solar eclipse, mas matagal itong masasaksihan sa kalangitan na inaasahang tatagal ng apat na minuto at 28 segundo.

May iba’t ibang paniniwala naman ang mga indibidwal tungkol dito, kabilang na ang kwento sa Pilipinas tungkol sa Bakunawa, isang mala-ahas na dragon sa Philippine mythology na sinasabing dahilan kung bakit nagkakaroon ng eclipse.

Pero ano nga ba ang solar eclipse at paano ito nangyayari?

Solar eclipse

Nangyayari ang total solar eclipse kapag dumadaan ang buwan sa pagitan ng araw at ng mundo, at natatakpan nito ang araw. Kabaliktaran nito ang lunar eclipse, kung saan ang buwan naman ang natatakpan ng anino ng mundo.

Photo courtesy: Pexels

Sa ulat ng CBS News, nagkakaroon ng eclipse dahil patuloy na umiikot ang mundo sa araw, at patuloy ding umiikot ang buwan sa mundo. Apat hanggang pitong beses nakikita ito sa isang taon. Pero bihira raw ang total eclipses.

“It’s based on the distance from the Earth to the moon, the Earth’s orbit and, of course, the position of the sun in the sky from Earth,” ayon sa research astrophysicist na si Michael Kirk.

Dagdag niya, “When all of those align, when that recipe gets to be just right, you get a total solar eclipse.”

Tuwing solar eclipse, pansamantalang didilim ang kalangitan na para bang takipsilim.

Photo courtesy: Pexels

Pero pinabulaanan ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang ilang posts sa social media na magdidilim ang kalangitan ng tatlong araw simula ngayong Lunes. Isa lamang daw “hoax” ang kumakalat sa internet na magkakaroon ng three-day darkness sa mundo dahil dadaan umano ito sa “Photon Belts.” 

Kinokonsidera raw ng science community ang Photon Belts bilang pseudoscientific dahil wala naman anilang sapat na scientific evidence na magpapatunay na talagang meron nito.

“Astronomers have not observed any evidence of a band of high-energy photons surrounding the Milky Way galaxy,” pahayag ng PAGASA.

“It is said that when the Earth passes through this belt, it triggers various transformative effects, both physical and spiritual. However, there is no scientific proof to support this theory,” dagdag nito.

Philippines not included

Totoo man na magkakaroon ng total solar eclipse ngayong araw, nilinaw ng state weather bureau na hindi ito matatanaw sa Pilipinas.

Ayon sa ahensya, makikita ang solar eclipse, na binansagang “Great North American Eclipse,” sa narrow strip sa Pacific Ocean at sa North America na magsisimula sa Pacific Coast. Pagkatapos ay dadaan ito sa Mexico, United States, at Canada, bago ito magtapos sa Atlantic Ocean.

Huling nakaranas ng partial solar eclipse ang Pilipinas noong April 2023. Inaasahang mararanasan muli ito ng bansa sa April 20, 2042, ayon sa youth-oriented science organization na Earth Shaker.

Samantala, susunod itong makikita sa Amerika sa August 23, 2044, ayon sa NASA.

Safety tips

Bagamat nakamamanghang makita ang total solar eclipse, may pag-iingat pa ring dapat gawin ang publiko para protektahan ang kanilang mga sarili, partikular na ang kanilang mga mata.

Ito ang ilan sa mga paalala ng NASA:

  • Magsuot ng solar viewing glasses o eclipse glasses
  • Gumamit ng safe handheld solar viewer
  • Huwag direktang tumingin sa araw gamit ang camera lens, telescope, binoculars o iba pang optical device habang may suot ng eclipse glasses o gamit ang handheld solar viewer
  • Gumamit ng solar filter na ilalagay sa harapan ng camera, binoculars o telescope
  • Humingi ng expert advice mula sa isang astronomer tungkol sa paggamit ng solar filter
  • Gumamit ng pinhole projector (halimbawa: index card na may maliit na butas) para i-project ang imahe ng araw sa malapit na surface
SUPPORT REPUBLICASIA

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter