Ni Charlie Hera
CEBU CITY — Kumakalat ngayon sa social media ang video ng diumano’y pagdukot sa magkasintahang aktibista sa loob ng pantalan sa Cebu City.
Makikita sa video na nagpupumiglas at nagsisigaw ang mga biktima habang pilit na pinapasok ng mga lalaki sa loob ng isang AUV.
Tirik na tirik ang araw at napakaraming tao ang nakasaksi sa pangyayari.
Ayon sa grupong Karapatan- Central Visayas, ito raw ang video ng aktuwal na pagdukot kina Dyan Gumanao at Armand Dayoha, mga development workers at labor rights advocates na nawala sa loob ng anim na araw.
Pinakawalan na raw ang dalawa nitong Linggo (January 15). Sumasailalim sila ngayon sa stress debriefing at medical examination.
Anyare?
Nitong Enero 10, lumuwas sa Cebu City ang magkasintahan para balik-trabaho. Galing sila sa Cagayan de Oro kung saan sila nagbakasyon nitong Christmas holiday.
Ayon sa ama ni Dyan na si Danilo, nag-text pa raw ang anak pagdating ng barkong sinasakyan sa Pier 6.
Pero wala na raw silang nabalitaan mula sa dalawa pagkatapos noon.
Idineklarang missing sina Dyan at Armand noong January 13.
Dinukot at pinakawalan ng ‘pulis’
Nakatanggap na lang daw ang ama ni Dyan ng text mula kay Dyan nitong January 15.
Humihingi ng saklolo at iniwan na raw sila sa isang resort sa Carmen, mga 44 kilometrong layo mula sa lungsod ng Cebu.
Humarap sa media ang mga magulang ng dalawang kinidnap nitong Lunes.
Mangiyak-ngiyak at galit na galit nila ikinuwento ang nangyari.
Kwento ng mga biktima
Ayon kay Danilo Gumanao, ang kwento raw sa kanila, mga nagpakilalang mga pulis ang mga nagdukot sa kanila.
Pagbaba daw nila ng barko ay agad daw silang pinusasan.
Ani ni Danilo, sobrang sakit daw para sa kanya ang sinapit ng kanyang anak.
Ang nakakagalit pa raw ay ang pagkasangkot ng mga pulis dito.
Ang mga pulis dapat ang inaasahang mag-pro-protekta at magbibigay ng seguridad sa mga tao, aniya.
Kung sakali man daw may nagawang mali ang dalawa, sana ilagay sa tamang proseso. Sana sundin ang nakalagay sa batas. Dakpin, arestuhin at tsaka kasuhan.
Kwento ng Karapatan, piniringan at inikot-ikot daw ang dalawa tsaka dinala sa di nila tukoy na lugar.
Sumailalim daw ang dalawa sa matinding interrogation.
Ani ni Dennis Abarrientos ng Karapatan-Central Visayas, dahil daw sa laki ng campaign para na inilunsad para sa dalawa kaya na inilabas daw ang dalawa ng mga nandukot sa mga ito.
Kasama ang mga magulang ng mga biktima, ang mga progresibong grupo sa Cebu, ang UP Cebu sa pagkondena at nanawagan sa otoridad na imbestigahan ang kawalang aksyon raw ng 2GO Group Inc., Cebu Port Authority, Philippine National Police – PCR Maritime Cebu at Philippine Coast Guard Region VII.
Wala daw kasing ginawa ang mga ito sakabila nang nangyari kumusyon sa Pier 6 noong araw na dinukot ang mga biktima.
Profile ng 2 aktibista
Si Dyan ay staff ng Community Empowerment Resource Network, Inc. (CERNET), habang nag-vo-volunteer din bilang coordinator ng Alliance of Concern Teachers (ACT) sa Central Visayas.
Si Armand ay isang faculty sa University of Cebu, part-time lecturer at nag vo-volunteer din sa Alliance of Healthcare Workers (AHW) .
PNP tinanggi ang paratang
Sa panayam natin sa spokesperson ng Police Regional Office, Police Lt. Col. Gerard Ace Pelare, sinabi nitong hindi gawain ng PNP ang paratang na ibanabato sa kanila.
Ani ni Pelare, inaaresto lang daw nila ang isang indibidwal matapos itong makagawa ng krimen, tsaka nila sinasampahan ng kaso.
Ayon kay Pelare, inutusan ng daw ng Regional Director ng PRO-7 ang Cebu City Police Office na mag reach out sa mga biktima at kunin ang side ng mga ito para makilala ang mga nasa likod ng pang-dudukot.
Ayon kay Pelare, magkakaroon din daw ng komprehensibong imbestigasyon sa lugar ng pinangyarihan.
Maging ang alegasyon nang kawalan ng aksyon ng Maritime PCG at ng Cebu Port Authority.
Kaisa din daw sila sa mga magulang at mga kasamahan ng mga biktima sa napakalungkot na insidenteng ito.
Cebu Port Authority
Sa pahayag ng Cebu Port Authority sinasabi nitong makikipagtulungan daw sila sa ginagawang imbestigasyon ng Pulisya. At pinapatingnan na din daw nila ang mga CCTV sa lugar.