Ni Charlie Hera
CEBU CITY — Matapos ang dalawang taong hindi nasilayan ang pinakamalaking festival ng bansa dahil sa COVID-19 pandemic, nadama muli ang diwa ng pyesta ng Poong Sto Niño o ang Sinulog Festival ng Cebu City.
Sinulog ‘revenge’
Halos di mahulugang-karayom ang mga lansangang papuntang South Road Properies ( SRP ), ang bagong venue ng Sinulog Festival ngayong taon.
Kasama ng kanilang pamilya, kamag-anak, kaibigan at maging mga mag-nobyo’t nobya, lahat nag-enjoy sa kababalik lang na Sinulog Festival.
Ramdam kung gaano sila kasabik masilayang muli ang Grand Parade ng mga dancing contingents ngayong taon.
Sa daan palang patungo sa SRP, Pit Señor na ang vibe na tanging ang Sinulog Festival lang ang makakapagbigay.
Nariyan ang pagpa-painting sa mukha; mga nakikisayang naka- t-shirt na may imprentang SINULOG; at may ilan ding nagsuot talaga ng head dress na angkop sa Sinulog.
Halos 650,000 katao sa Grand Parade
Sa tala ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office ( CCDRRMO), as of 6:52 gabi ng January 15, umabot sa 649,400 ang bilang ng mga nanood ng Grand Parade at ritual showdown ng Sinulog Festival.
Ang Amerikanong si Andrew Tejada – sobrang enjoy sa Festival.
“I enjoyed my time here. It’s been pretty cool, so far. And the festival has been pretty great,” Tejada said.
Traffficc!
Pero marami ding mga taga-Cebu ang naperwisyo, dahil maraming daan ang isinara dahil sa street dancing.
Mismong si Land Transportation Office Region 7 Director Victor Emmanuel Caindec ang nagmando ng trapiko sa loob ng apat na oras sa footbridge ng Barangay Mambaling.
Fluvial procession Sabado
Sa fluvial procession Sabado ng umaga sa Cebu, kita ang maigting na pananampalataya ng mga Cebuano para sa Poong Bata.
Halos 200 sasakyang pandagat ang sumama sa mismong fluvial procession — 16 yate, 17 tugboats, 131 Motor banca at 17 barkong may bigat na 300 gross tonnage pababa.
Dagsa rin ang mga debotong nag-hinntay sa mga pantalan kung saan dinaan ang galyong may imahe ni Señor Sto. Niño de Cebu.
Kasama ang imahe ng Our Lady of Guadalupe, isinakay ang imahe ni Señor Sto. Niño sa barko ng Philippine Coast Guard, ang BRP CABRA.
Mula sa Naval Forces Central sa Lapu-Lapu City ay inihatid ang imahe ng balaang bata sa Pier 1 sa Cebu City.
Nasa kalahating oras din ang itinagal ng naturang procession, ayon sa simbahan ang oras na ‘yan ay pasok sa kanilang tantsa..
Ang debotong si Mary Jane,35-year-old, dala-dala pa ang kanyang sanggol habang naghihintay sa pagdating ni Senyor Santo Niño mula sa fluvial procession.
Kwento niya hindi daw niya alintala ang nakakalulang dami ng tao at ang bigat ng kanyang dinadalang sanggol basta lang daw masilayan niya ang imahe ni Senyor Santo Niño bago ito maibalik sa Basilica Minore del Santo Niño de Cebu.
Ani ni Mary Jane okay lang daw sa kanya ang maghintay nang matagal, ngayon lang din daw kasi niya ito nagawa muli dahil sa pandemya.
Ipinasasalamat niya ang pagkakaroon ng pamilya. Dasal niya na sana bigyan ng Panginoon ang mga ito ng malusog na pangangatawan.
Banner photo courtesy: Cebu City PIO/ Allan Defensor