Ni Charlie Hera
CEBU CITY — Di na raw umasa na makakalabas pa sila nang buhay ang dalawang aktibistang dinukot sa Cebu City noong January 10.
“So nakulbaan gyud me, na-scared gyud me sa amoang kinabuhi, nga sa amo’ng huna-huna pud namo, nga mao na gyud ni, diri na gyud ta kutob. (Kinabahan talaga kami, natakot talaga kami sa aming mga buhay, sa isip namin, ito na talaga, hanggang dito nalang talaga tayo),'” ani ni Dyan Gumanao.
Si Gumanao at kasingtahang si Armand Dayoha ay dinukot ng nagpakilalang mga pulis sa Pier 6, January 10, pasado alas diyes ng umaga. Nagviral ang video ng diumano’y pagdukot sa kanilang dalawa sa loob mismo ng pier.
Sa kauna-unahang pagkakataon, humarap sila sa publiko matapos silang mapalaya noong nakaraang Lunes, January 16.
Kwento ni Dyan at Armand
Mga development workers at labor rights advocates sa Cebu sina Gumanao at Dayoha.
Sa press conference sa University of the Philippines-Cebu, isiniwalat ng dalawang aktibista ang kanilang mapait na karanasan sa kamay ng mga nandukot sa kanila.
Kwento ng dalawa, umaga ng January 10 noong dumating sila sa pier 6 ng naturang lungsod galing ng Cagayan de Oro.
Noong pagbaba daw nila ng barko ay agad daw silang pinusasan nang nasa apat na kalalakihang nagpakilala sa kanilang Pulis.
“Dyan, Armand wag kayong pumalag kasi mga pulis kami,” ang sabi ng mga dumukot kina Gumanao at Dayoha.
Pumalag at nagsisigaw daw ang dalawa sa pagnanais na matulungan sila ng mga security forces na kanilang nakita sa lugar, pero, ni isa daw sa mga ito ay hindi tumulong sa kanila.
Hanggang sa naipasok na sila sa loob ng van. Doon daw sila nilagyang ng handcuffs at blindfold.
Nilagyan din daw sila ng earmuffs.
Ayon sa mga nagpakilalang mga pulis na kidnapper, sapilitang kinuha raw sila dahil sila’y mga aktibista at wala raw ibang paraan para ma-imbitahan sila.
Di raw nila akalain na mabubuhay pa sa tindi ng interrogation at psychological torture.
Sa gitna ng interrogation, binantaan din daw sila ng mga nandukot – pwede daw silang matagpuan “6 feet below the ground,” maging ang kanilang pamilya.
Tiningnan din daw ng mga nang-abduct ang cellphone ni Dyan, wala daw itong password.
Gusto raw ng mga nagpakilalang pulis na mag-reply si Dyan sa mga magulang nito.
Pero hindi daw ito ginawa ni Dyan dahil nais niyang iparating sa kanyang mga magulang na in-abduct talaga sila.
Noong papakawalan na daw sila ng mga nandukot ay una daw silang sinabihan na magpunta daw sila ng Police Station para e-clear ang blotter na “ ifinile” ng kanilang mga magulang at sabihin lang na nag-muni-muni at may sini-settle lang sila.
Hanggang sa sinabihan na lang daw sila nang mga dumukot sa kanila na mag-selfie nalang para malaman ng publiko na walang masamang nangyari sa kanila.
“Grabe ang emotional, psychological nga kalisod nga maugmaan pa ba mi, unsa nasad kaha nga stories ang i-ingon para ma-legitimize ang amoang death. (Grabe ang emotional, psychological na hirap kung may bukas pa ba kami, ano na namang kwento ang isasabi para ma-legitimize ang aming pagkamatay),” Gumanao recalled.
Bago raw sila tuluyang pinakawalan, tingin nila, nilayo pa sila sa labas ng Cebu.
Sa isang resort sa Carmen, Cebu natagpuan ang dalawang magkasintahan.
Apila sa Cebu LGUs, national agencies
Nanawagan ang dalawa sa lalawigan ng Cebu, lungsod ng Cebu at mga ahensya ng gobyerno na bukod sa tulungan sila makamit ang hustisya. Importante raw na malaman kung bakit nangyari ito.
Dismayado din ang dalawa sa mga taong kumu-kwestyon sa insidente.
Ang Police Regional Office Central Visayas (PRO-7) nagpahayag ng pasasalamat na nakig-ugnayan ang dalawang magkasintahan sa kanila para sa naturang kaso.
Nangako ang PRO-7 magiging “patas, mabilis at magiging masusi” raw ang kaninalang magiging imbestigasyon sa insidente.
UP-Cebu Student Council
Nagpahayag ng suporta ang UP-Cebu Student Council sa panawagan na hinilingin ang accountability sa gobyerno para sa maresolba ang pagdukot sa dalawang alumni nito.
“To fully ensure their safety, the council reiterates the pair’s demands for a thorough investigation considering potential police involvement in the abduction. Ultimately, this means that we will fervently back them up on their calls to hold the state accountable for their misdoings and incompetencies and take a stand against injustices,” ayon sa pahayag ng UP-Cebu Student Council.
photos by Charlie Hera