fbpx
Search
Close this search box.
philippine news

Several messy moments in Philippine television

by Joanna Deala

ABRIL na! Unang buwan ng ikalawang bahagi ng taon. Bukod sa balik-trabaho at eskwela na, ipinagdiwang din nitong Lunes ang April Fools Day sa iba’t ibang panig ng mundo.

Tuwing April 1 ang April Fools’ Day na ilang siglo nang ipinagdiriwang sa iba’t ibang bansa. Hindi tiyak kung saan unang nagsimula pero ilang historian ang naniniwalang nag-ugat ito nang i-adopt ng France ang Gregorian calendar noong 1582.

At kapag April Fools’ Day, asahan na ang samu’t saring hirit ng jokes at pranks na naglipana na sa social media sa henerasyon ngayon. 

Iba-iba ang entry ng netizens para maghatid ng kasiyahan sa April Fools’ Day. May bumanat ng classic jokes, gumawa ng fun but harmless pranks at nag-share ng memes. 

Pero sa X (dating Twitter), nag-trending ang isang social media user sa major throwback ng ilang messy moments sa Philippine television. Sumali din sa thread ang marami pang netizen upang magbahagi ng kanilang hindi malilimutang clips na napanood sa telebisyon. Ito ang ilan sa kanila:

Miss Universe 2015 mix-up

Una na sa listahan ang pagkagulat ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach nang klaruhin sa stage ng host na si Steve Harvey na siya ang nakasungkit ng korona sa 64th edition ng Miss Universe pageant. Nagkamali kasi sa pag-anunsyo ng winner si Harvey nang banggitin niya si Miss Colombia Ariadna Gutiérrez bilang bagong Miss Universe. 

Si Wurtzbach ang nakapag-uwi ng pangatlong Miss Universe crown ng Pilipinas, sumunod kina Gloria Diaz noong 1969 at Margie Moran noong 1973.

Vice presidential debate 2016

Iconic ding maituturing para sa ilang netizens ang vice presidential debate noong 2016 na inorganisa ng Commission on Elections at ng now-defunct CNN Philippines kung saan nagharap ang anim na kandidato sa pagka-bise presidente kabilang ang kasalukuyang pangulo ng Pilipinas na si Ferdinand R. Marcos, Jr. at ang dating bise presidente na si Leni Robredo. 

Bahagi ng debate ang pagsagot ng mga kandidato ng oo at hindi sa ilang katanungan gamit ang thumbs up and thumbs down sign board. Isa sa mga tanong ay kung nasangkot na ba sila sa corrupt activities. Makikita sa clip na unang itinaas ni Marcos, anak ng diktator at dating pangulong Ferdinand Marcos, Sr., ang thumbs up na kaagad naman niyang pinalitan ng thumbs down. Samantala, patagilid namang itinaas ni Robredo ang kanyang thumbs down sign board na makikitang nakaturo kay Marcos. Si Robredo ang nahalal na pangalawang pangulo sa 2016 national elections.

AlDub’s supposed first meet-up

“Gag of the decade” naman para sa isang netizen ang dapat sana’y unang pagkikita nina Alden Richards at Maine Mendoza na mas kilala noon bilang Yaya Dub sa “KalyeSerye” segment ng noontime show na “Eat Bulaga.” 

Matatandaang maraming nahumaling at kinilig sa “KalyeSerye” na umikot sa love story nina Richards at Yaya Dub. Nagkaroon sila ng sariling on-screen tandem na tinawag na “AlDub.” 

Sa segment, tanging sa split-screen lamang nakakapag-usap ang dalawa dahil nasa Broadway studio si Richards, habang kasama naman ni Mendoza sina Jose Manalao, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros sa labas para bumisita sa iba’t ibang barangay na bahagi ng “Juan For All, All For Juan” segment. 

Pero ang pinakahinihintay na dapat sana’y unang pagkikita ng AlDub sa studio ay naudlot nang harangin sila ni Bayola a.k.a Lola Nidora gamit ang isang malaking plywood. Nagtapos ang “KalyeSerye” noong 2016. 

GirlTrends’ ‘How Do You Sleep’ performance

Naungkat din sa thread ang nag-viral noon na performance ng girl group na GirlTrends kung saan kinanta at sinayaw nila ang “How Do You Sleep?” ng English singer-songwriter na si Sam Smith. Sa performance video nila sa noontime variety show na “It’s Showtime,” makikitang hindi nagsabay-sabay sa pagsayaw ang mga miyembro.

Umani ito noon ng memes sa internet pati na rin negative comments mula sa ilang netizens. Nag-react naman dito ang ilang members ng GirlTrends at ipinaliwanag ang nangyari. Isa na rito si Chie Filomeno na umako ng pagkakamali at humingi ng sorry, pero binuweltahan din niya ang mga batikos ng netizens at sinabing kailan naman sila hihingi ng tawad sa pamamahiya ng ibang tao.

UKG’s tribute for Chokoleit

Naalala rin ng ilang netizens ang viral clip ni “Umagang Kay Ganda” host Winnie Cordero noong nag-tribute ang morning show ng ABS-CBN para sa namayapang komedyante na si Chokoleit. Nakapanayam sa show ni Cordero ang malapit na kaibigan ni Chokoleit na si K Brosas na naging emosyonal sa pagpanaw ng komedyante. Pero sa gitna ng emosyonal na panayam ay natawa ang dalawa nang magkamaling tawagin ni Cordero si Chokoleit bilang Pooh. Kaagad naman itong itinama ni K Brosas at sinabing, “Teka lang, buhay pa yung isang kaibigan ko, Ate Winnie.” Natawa rin ang host sa kanyang pagkakamali at humingi ng sorry kay Pooh.

Pumanaw si Chokoleit noong March 2019 dahil sa pulmonary edema at heart attack.

‘MaJoHa’ clip

Hindi naman makakalimutan ng ilan ang viral na “MaJoHa” clip ng teen housemates sa reality show na “Pinoy Big Brother” nang nagkaroon ng Philippine history quiz game sa bahay ni Kuya. Sa video, makikitang tinanong ang dalawang housemates kung ano ang collective name ng tatlong Pilipinong pari na sina Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora, na binitay noong panahon ng Kastila.

Imbes na “GomBurZa,” tinawag na “MaJoHa” ng isang housemate ang tatlong paring martir nang subukan niyang pagsama-samahin ang first names ng mga pari sa halip na mga apelyido. Nag-viral ang video na ito noong 2022 dahil maraming netizens din ang gustong ibalik ang History subject sa high school curriculum.

‘Tuli season’ news report

Maraming netizens din ang muling natuwa sa “Tuli Season” report ng “24 Oras” noong 2019 kung saan may isang 14 taong gulang na binatilyong sinamantala ang bakasyon sa eskwelahan para magpatuli. Agaw-pansin kasi ang binatilyo dahil aakalain ng ibang beauty pageant ang kanyang pupuntahan gayong nagawa pa nitong rumampa.

Napatawa niya ang ilan nang kumanta siya habang siya’y tinutuli. Binanggit naman niya ang pangalang “Darna” pagkatapos ng operasyon. Kadalasang tuwing summer break nangyayari ang “tuli season,” kung saan iba’t ibang barangay ang may programang libreng tuli para sa mga batang lalaki.

Ilan lamang ang mga ito sa mga hindi malilimutang sandali sa telebisyon ng mga Pilipino na nagpatawa, nagbigay-aliw, at nagtaas din ng kamalayan ng mga manonood sa iba’t ibang isyung kinahaharap ng bansa.

SUPPORT REPUBLICASIA

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter