HUMIHINGI ng tulong ngayon sa publiko at otoridad ang Hofileña Museum sa Silay, Negros Occidental matapos nakawin sa kanila ang obra ni National Artist Fernando Amorsolo.
Ang nawawalang obra sa museo ay ang 1936 painting ni Amorsolo na “Mango Harvesters,” ayon sa post ng Silay Heritage sa Facebook.
“The Hofileña Museum in Silay City, Negros Occidental reports the theft of their painting by National Artist Fernando C. Amorsolo,” pahayag nito.
Umapela ito sa publiko na makipagtulungan sa paghahanap ng obra na tinawag nitong “important piece of Philippine art.”
Sa may mga impormasyon tungkol sa “Mango Harvesters” painting ay maaaring makipag-ugnayan sa mga sumusunog na numero ng Silay Philippine National Police (PNP): 09985987443 o 09989674432. Pwede rin nila itong i-report sa pinaka malapit na himpilan ng pulisya o otoridad.
Sa ulat ng “24 Oras,” noong Miyerkoles, Hulyo 3, pa nawawala ang 88-year-old painting sa museo.
Bahagi ito ng Hofileña Collection at naka-display sa ikalawang palapag ng museo.
Ayon sa ulat, hindi na umano napansin ang pagpanik sa ikalawang palapag ng mga suspek dahil kulang ang mga tour guide at maraming bisita.
Hinala nila, isinilid umano sa isang bag ang painting.
Ang “Mango Harvesters” ay isang oil on panel na obrang may sukat na 19” x 12 1/2″.
Mala-pelikulang pagnanakaw
Pamilyar man sa pelikulang “The Thomas Crown Affair” ni Pierce Bronsnan, ito naman ay isang katotohanang pangyayari sa modernong panahon.
Batay sa iba pang ulat, mayroon nang dalawang persons of interest–isang babae at lalaki–ang Silay City police kaugnay sa krimen base sa closed-circuit television (CCTV) records sa museo.
Samantala, nagbigay ng P25,000 na pabuya ang Silay City government kung sino mang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga suspek at ninakaw nilang obra.
Hofileña Museum
Bago ito maging isang museo, ang Hofileña Museum ay isang ancestral home na ipinatayo ng yumaong si Manuel Severino Hofileña para sa kanyang asawang si Gilda Ledesma Hojilla, dating Miss Silay, at siyam na anak noong 1934. Matatagpuan ito sa Cinco de Noviembre Street, Silay City.
Binuksan ito sa publiko noong 1962 at kinilala bilang isang museo ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) noong 1980s.
Iba’t ibang obra ng mga tanyag na pintor tulad nina Juan Luna, Felix Resurrecion Hidalgo, Ang Kiukok, Vicente Manansala, at Benedicto Cabrera o “BenCab” ang makikita sa Hofileña Museum.
Kabilang sa mga nakabisita na sa Hofileña Museum ay si National Artist for Music Ryan Cayabyab, batay sa ilang litratong ibinahagi ng museo noong June 2022.
Sino si Fernando Amorsolo
May ilang kabataan pa rin ang nakakakilala kay Amorsolo gayong naituturo pa rin siya sa History subject sa ilang eskuwelahan.
Si Amorsolo ay ang kauna-unahang National Artist for Visual Arts ng Pilipinas. Iginawad sa kanya ang titulong “Grand Old Man of Philippine Art” noong inagurasyon ng art center ng Manila Hilton noong January 23, 1969, kung saan tampok ang kanyang mga obra.
Ayon sa NCCA, naging trademark ni Amorsolo ang “backlighting technique” sa kanyang obra nang bumalik siya sa Pilipinas noong 1920s matapos mag-aral sa ibang bansa.
Ilan sa kanyang mga obra ay ang “Dalagang Bukid,” “El Ciego,” “Maiden in a Stream,” “Planting Rice,” at “Sunday Morning Going to Town.”
Mayroon ding nilikhang “Mango Gatherers” si Amorsolo noong 1931, na naibenta ng León Gallery sa Makati sa halagang P46.7 million noong 2018 auction nito. Magkaiba ang “Mango Gatherers” sa ninakaw na “Mango Harvesters” painting.