USAP-USAPAN nitong mga nakaraang araw ang bagong gawang imprastraktura sa EDSA Busway PhilAm station sa Quezon City. Ngunit, ito ay naging laman ng social media sa hindi magandang dahilan.
Ang rampa na ginawa para sa mga persons with disabilities (PWD) sa EDSA busway ay inulan ng batikos mula sa mga netizens dala ng napakatarik na pagkakagawa na maaaring magpahirap sa mga PWDs.
Photo Courtesy: PNA | Facebook
Bukod sa pagiging matarik, ito nga rin daw ay madulas na magiging mas delikadong gamitin, ayon sa isang PWD na si Nelson Belo, matapos nitong masubukan ang bagong gawang rampa.
Anya, kung ganito nga lang din daw ang rampa at ang istasyon na sasalubong sakanilang mga PWD, mas makabubuti pa raw na huwag nalang sumakay ng EDSA Bus Carousel.
Pahayag ng MMDA
Depensa naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa isang Facebook post na maraming dahilan kung bakit ganito ang pagkakabuo ng naturang rampa sa istasyon.
“Nais namin ipabatid na mayroong height restriction ang MRT na sinunod ng MMDA kaya hindi naging posible na ipantay ang elevator sa footbridge,” sabi sa pahayag ng MMDA.
“Hindi ito perpektong disenyo lalo na sa mga naka wheelchair pero malaking tulong pa rin ito para sa mga senior citizens, buntis at ibang PWDs sa halip na umakyat gamit ang hagdan.”
Ipinangako naman ng MMDA na magtatalaga ang kanilang tanggapan ng mga kawani na aalalay sa mga PWDs na gagamit ng rampa, kung sila man ay nahihirapan sa pag-akyat.
Dagdag pa sa kanilang pahayag na hindi naman raw ganun katarik ang naturang rampa kung makikita sa personal, at kung ikukumpara sa mga nagkalat na larawan at bidyo online.
“Inilagay ang rampa dahil sa limitadong espasyo at kung wala ito ay hindi maiilagay ang elevator sa istruktura para sa convenience ng mga commuters na sumasakay sa busway station,” dagdag ng MMDA.
Komento ng mga netizens
Ganun pa man, marami pa ring saloobin ang mga netizens sa social media patungkol sa rampa na ito. Para sa kanila, hindi dapat “okay na kaysa wala” ang ideya na dadaloy sa isip ng mga gumawa nito.
“Ok na yan kaysa wala… reflects why the Philippines is still struggling in so many ways…. ,” sabi ng isang netizen.
“The purpose of a ramp is to give people with disabilities, specially those who are in wheelchairs, a sense of independence in going around public places.”
Photo Courtesy: PNA | Facebook
Idiniin din ng mga netizens sa comment section ng naturang post ng MMDA na ang layunin ng paggawa ng ganitong rampa ay para makagalaw ang mga PWDs nang walang tulong.
“Ang goal ay dapat magamit yan na mag-isa ng mga naka-wheelchair, hindi yung kailangan pa ng assistance, lalagyan niyo pa ng tao na magagamit pa sana sa ibang paraan – nagsasayang kayo ng pera, oras, at ng tao.”
Hiling din ng ibang netizens na kung wala man daw naging batayan sa pagpapagawa nito, sana raw ay kumonsulta man lang sa mga PWDs o mga grupo nito, upang masiguro na pasok sa pangangailangan nila ang rampa.
“Sana kumunsulta sila sa mga grupo ng PWD kung ano yung mas makakatulong sa kanila sa pag commute at sa daan tutal naman sila talaga nakakaranas ng hirap sa paglabas labas at byahe hindi ung basta lang makadesign, project at budget,” sabi ng isang netizen.
Gayunpaman, mayroon pa rin daw elevator sa baba ng rampa na maaaring gamitin ng mga PWD, upang mas maginhawa ang kanilang pagbiyahe.
How useful was this post?
Click on a star to rate it!
Average rating 0 / 5. Vote count: 0
No votes so far! Be the first to rate this post.
We are sorry that this post was not useful for you!
Let us improve this post!
Tell us how we can improve this post?