MATAGUMPAY na nasagip ng lokal na pamahalaan ng Pasig City ang isang lalaking na-trap sa isang barge sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Carina sa bansa.
Ayon sa Public Information Office (PIO) ng Pasig City, tinangay ang barge habang sakay ang lalaki at bumangga sa F. Manalo Bridge sa Barangay Manggahan.
Higit walong oras na-trap ang lalaki bago siya ma-rescue sa pamamagitan ng joint operation ng mga opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Pasig City at Quezon City.
Sa video ng rescue operations na ibinahagi ng media, makikita kung paanong nag-rappel ang lalaki mula sa barge paakyat ng tulay kung saan inalalayan siya ng BFP officials.
Sinabi ng Pasig City PIO na 12:46 a.m. na nang Huwebes, July 25, nang masagip ang lalaki. Kaagad naman siyang binalutan ng aluminum foil bago dalhin sa ospital.
Bago ang lalaki, may 19 na kataong sakay ng bumanggang barge ang nasagip at nasa ligtas na kalagayan na.
“Safe naman po lahat as far as we know. Tapos ito lang may naiwang isa unfortunately,” sabi ni Pasig Mayor Vico Sotto sa panayam sa kanya ng media.
Sabi pa nang alkalde, magkakaroon ng clearing operations ang contractor na may-ari ng barge ngayong Huwebes.
“I-a-assess po siya bukas ng ating mga engineer. Hopefully okay naman siya pero either way, kailangan ayusin siya ng contractor,” ani Sotto.
Mananatiling sarado ang F. Manalo Bridge, dagdag niya.
Typhoon Carina update
Lumabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Carina ngayong Huwebes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Gayunpaman, magdadala pa rin ang Southwest Monsoon o habagat na pinalakas ng bagyong Carina ng malakas hanggang mas malakas na pag-ulan sa Ilocos Region, Zambales, at Benguet ngayong July 25.
Katamtaman hanggang malakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa iba’t ibang lugar sa kanlurang bahagi ng Luzon mula Huwebes hanggang Sabado.
Nakataas pa rin ang Signal No. 1 sa Batanes.
“Considering these developments, the public and disaster risk reduction and management offices concerned are advised to take all necessary measures to protect life and property,” pahayag ng PAGASA.
“Persons living in areas identified to be highly or very highly susceptible to these hazards are advised to follow evacuation and other instructions from local officials,” dagdag nito.
How useful was this post?
Click on a star to rate it!
Average rating 0 / 5. Vote count: 0
No votes so far! Be the first to rate this post.
We are sorry that this post was not useful for you!
Let us improve this post!
Tell us how we can improve this post?