fbpx
Search
Close this search box.
philippine news

12 bata, na-ospital sa halo-halo; DOH naglabas ng babala

by Bryan Gadingan

TUWING sasapit ang tag-init, lalo na’t ganito kainit ang panahon sa ating bansa ngayon, ang mga Pilipino ay kadalasang naghahanap ng malalamig na inumin o dessert.

Bilang mga Pilipino, walang ibang dessert na tatalo sa halo-halo bilang pamatid init. Bukod sa ito ay ubod ng sarap, ang halo-halo rin ay napakamura at napakabilis hanapin sa kalsada. 

Photo Courtesy: NorthCotabatoToday.News | Facebook

Pero dahil sa matinding init na dala ng panahon, maaari ring maapektuhan nito ang mga sangkap na ginagamit para sa paggawa ng halo-halo.

Sa isang Facebook post ng NorthCotabatoToday.News, ilang bata na ang isinugod sa ospital matapos sakitan ng tiyan at nagsusuka, dahil lamang sa pagkain ng halo-halo sa Kidapawan City noong April 6, 2024.

Photo Courtesy: NorthCotabatoToday.News | Facebook

Ayon sa ulat ng nasabing Facebook page, 12 sa mga kumain at nakaramdam ng pagsusuka, pagtatae at pananakit ng tiyan ang isinugod sa City Hospital.

Habang dalawa naman ay sa St. Peregrine Hospital, dalawa rin sa Digos City, at dalawa rin sa Makilala Specialist center na na-dehydrate na umano dahil sa pagsusukang nararanasan.

Nasa 5 hanggang 10 taong gulang ang karamihan sa mga nakaramdam ng pananakit ng tiyan kaya naman napilitang isugod ang mga ito sa mga karatig na ospital.

DOH nagbabala vs. dirty halo-halo

Dahil dito, nagbigay na ng paalala naman si Department of Health Sec. Ted Herbosa sa publiko, na madaling masira ang pagkain ngayong tag-init na maaaring magdulot ng gastroenteritis.

“Hindi ako nagulat na meron ganyang reports. Specially ‘yung maiinit, gusto natin ng halo-halo,” ibinahagi niya sa report sa Ulat Bayan ng government station na PTV 4.

Ayon sa kanya, ang posibleng rason kung bakit naranasan ito ng mga nakakain ay dahil maaaring na-contaminate ang mga sahog ng halo-halo, lalo na’t kapag nalagyan ito ng asukal at nabilad sa araw.

Photo Courtesy: NorthCotabatoToday.News | Facebook

“Di ba may matamis ‘yun, tapos iniiwan natin doon sa init ng araw, tapos pupunta ka doon bibilhin mo. I don’t know if the amount of sugar is not high, pwedeng tubuan ng bacteria ‘yun,” ipinaliwanag niya.

Bukod pa rito, ang gatas din na ginagamit sa halo-halo ay maaaring masira kapag naarawan. Kaya naman payo niya ay dapat i-refrigerate ito upang hindi mapanis, at mas tumagal ang gamit. 

Ayon kay Herbosa, kailangang siguruhin ng mamamayan na malinis ang binibilhan nila ng pagkain. Para naman sa mga nagtitinda, nararapat din na tiyaking malinis ang mga ginagamit sa paggawa ng pagkain.

Samantala, wala pang opisyal na pahayag ang may-ari ng nasabing tindahan ng halo-halo tungkol sa mga reklamong natanggap. Ibinalik rin naman umano ng tindahan ang bayad sa mga customers.

Dive deeper into the issues that affect your community. Follow republicasia on FacebookTwitter and Instagram for in-depth analysis, fresh perspectives, and the stories that shape your daily life.