fbpx
Search
Close this search box.
philippine news

Lola Amour, inilabas na ang self-titled album

by Joanna Deala

MAY mga bagong kanta na namang idadagdag sa kani-kanilang playlist ang fans ng OPM band na Lola Amour, matapos nitong i-release ang kanilang much-anticipated self-titled album ngayong Miyerkoles, April 10.

Sari-saring emosyon ang dala ng “Lola Amour” album. Mula sa pakiramdam ng nasa early stage ng pag-ibig, pagkalito sa pag-ibig, hanggang sa pagtalakay sa mental health–lahat ng ito’y maririnig mula sa siyam na kantang nakapaloob sa album.

Binubuo ito ng: ““Umiinit,” “Saan Kakapit,” “This Ain’t Love,” “I’ll Give My Heart,” “If I Ever Come Back,” “ Lost For Words,” at “Part II: Bliss.” 

Kasama rin dito ang kanilang latest track na “Namimiss Ko Na,” na unang inilabas noong March 13, at ang kanilang sikat na kantang “Raining In Manila.”

Songs’ meaning

Sa kanilang social media accounts, nagbahagi ang Lola Amour ng lyric booklet para sa pitong bagong kanta, pati na rin ang inspirasyon at kahulugan ng bawat kanta.

Para sa “Umiinit,” sinabi ng banda na humugot sila ng inspirasyon mula sa American rock band na Red Hot Chili Peppers, American singer James Brown, at Japanese singer-songwriter Shintaro Sakamoto. Tinalakay ng kanta ang kagustuhan ng isang tao na sumayaw. Ito raw ang unang beses na nag-explore ang banda sa ganitong klase ng kanta, na inabot ng limang taon para ma-produce.

Tugon naman nila sa nag-viral song nilang “Raining In Manila” ang “Saan Kakapit”. Unang tinalakay ng Lola Amour sa kanilang hit song ang pananabik sa isang tao kahit na hindi na sila muling bumalik pero sa bagong kantang “Saan Kakapit,” ipinaliwanag dito ang dahilan ng pag-alis. Gayunpaman, hindi pa rin ito magiging madali lalo na’t mahihiwalay sila sa kanilang mahal sa buhay.

Kilig naman ang hatid ng kantang “This Ain’t Love” na tungkol sa early stages of love kung saan masaya at simple pa ang lahat. 

Kabaliktaran naman ito ng kantang “If I Ever Come Back” na tungkol sa komplikadong pag-ibig, tulad ng kahandaan sa pakikipag-relasyon sa ibang tao, na ayaw nilang iwan. Prelude nito ang “I’ll Give My Heart” kung saan naman ipinarinig ang pananaw ng taong ayaw iwanan.

Sa “Lost For Words” ibinahagi ng banda ang kwento ng isang indibidwal na nakararamdam ng panghihinayang matapos niyang mawalan ng minamahal sa buhay dahil sa “overwhelming pressures” sa mundo.

Tribute song naman ng banda sa isang kaibigan ang “Part II: Bliss” na tumatalakay sa kanyang pakikipaglaban sa depresyon.

Samantala, nagmula naman ang inspirasyon para sa track na “Namimiss Ko Na” sa pakikipaglaban sa Alzheimer’s Disease ng namayapang lola ng dating bassist ng banda na si Raymond King, ayon sa panayam sa kanila ng Philstar.com. Umalis na si King sa Lola Amour nitong nakaraang buwan matapos ang walong taon.

The #LolaAmourTheAlbum Concert

Gagawin ng OPM band ang concert para sa kanilang newly released album sa Circuit Events Grounds sa Makati sa April 13 at sa Draft Punk sa Cebu sa April 27.

Para sa kanilang Makati show, magpe-perform din ang Baguio-based band na Cup of Joe at ang alternative pop group na Any Name’s Okay bilang special guests. Masisilayan din ang musical act na PLAYERTWO sa Afterparty ng concert para sa VIP ticket holders.

Ang ticket prices para sa Manila show ay mula P750 para sa General Admission at P1,100 para sa VIP. Sa Cebu naman, mula P550 hanggang P950 ang presyo ng ticket.

Ang concert ay para sa album launch ng “Lola Amour.” 

SUPPORT REPUBLICASIA

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter