BALIK-operasyon at bukas na muli sa publiko ang La Mesa Ecopark matapos ang halos apat na buwang rehabilitasyon. Isinara ang ecopark noong June 29 upang maisaayos at mapangalagaan ang parke.
Kilala ang La Mesa Ecopark bilang isa sa mga huling ‘ecological frontier’ ng Metro Manila na nasa Greater Lagro, Quezon City.
Photo Courtesy: Bird Finder | Facebook
Mismong si Quezon City Mayor Joy Belmonte ang nag-anunsiyo sa publiko na bukas na ang ecopark. “QCitizens, the La Mesa Ecopark has finally reopened!” ani Belmonte sa araw ng ecopark reopening.
“You can see around 220 species of animals and plants in the park. Watch out for other activities and facilities for paintball, wall climbing, rappelling, archery, bird watching, camping and team building,” dagdag ni Belmonte.
Panibagong tagapamahala
Pinangunahan din ni Belmonte ang ceremonial signing ng memorandum of agreement katuwang ang Metropolitan Waterwork and Sewerage System (MWSS) na magsisilbing panibagong tagapamahala ng park na unang hinawakan ng Bantay Kalikasan ng ABS-CBN Foundation sa loob ng 25 taon.
“Manila Water implemented the rehabilitation of Ecopark, so it will be jointly managed by the MWSS, Quezon City and Manila Water through the Manila Water Foundation,” sabi ni MWSS water and sewerage management department manager, Patrick Dizon.
Mga pwedeng gawin sa park
Sari-saring aktibidad ang iniaalok ng La Mesa Ecopark lalo kung nais makalayo sa ingay ng siyudad at mag-bonding kasama ang pamilya at kaibigan.
Ikutin ang buong ecopark at langhapin ang sariwang hangin. Maari ring mag-picnic, hiking, swimming, at boating.
Photo Courtesy: Haring Ibon | Facebook
Maraming ring hayop ang matatagpuan dito sa park tulad sa butterfly garden. Maaring mag-bird watching sa dami ng uri ng ibon sa park.
May educational tours din upang higit na mapalawak ang kaalaman sa environmental conservation at biodiversity mula sa mga guided tours na ibinibigay ng park.
Paalala sa publiko
Nililimitahan ng park management sa 1,000 katao maaaring pumasok sa loob ng park. Walang walk-in kundi sa online ticketing lamang.
Para sa mga nais mag-book, bumisita lamang sa website at i-click ang La Mesa Ecopark para makapasok sa kanilang microsite. Isang confirmation email naman ang matatanggap upang i-fill out ang form.
Ipakita lang ang confirmation email sa entrance. At kung Quezon City resident naman, kailangan ding ipakita ang QCitizen card o anumang government ID sa park entrance sa araw ng inyong schedule.