ISANG awarding ceremony na naman ang posibleng daluhan ng beteranong aktres na si Eva Darren. Pero sa pagkakataong ito, hindi na bilang isang award presenter, kundi isa sa mga pararangalan sa upcoming 7th Entertainment Editors’ Choice (EDDYS) Awards.
Ang EDDYS ay taunang film event sa Pilipinas na kumikilala sa mga artisans, actors, writers, directors, workers, at producers sa Philippine film industry.
Kikilalanin ng award-giving body si Darren at ang mga movie icon na sina Nova Villa, Gina Alajar, Leo Martinez, at Lito Lapid dahil sa kanilang naging kontribusyon para maitaas pa ang kalidad ng pelikulang Pilipino.
Sinimulan ni Darren ang kanyang karera sa local film industry noong 1960s. Kinilala siya ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) bilang Best Supporting Actress sa pelikulang “Ang Pulubi” noong 1969. Bago ito, dalawang beses pa naging nominado si Darren para sa Best Supporting Actress award para naman sa kanyang pagganap sa mga pelikulang “Ang Langit Sa Lupa” noong 1967 at “Igorota” noong 1968.
Bukod sa pagiging isang movie icon, dose-dosenang teleserye rin ang pinagbidahan ni Darren kabilang na ang ilang hit series na kinalakihan ng 90s kids tulad ng “Pangako Sa ‘Yo,” “Komiks Presents: Pedro Penduko at ang mga Engkantao,” “Carlo J. Caparas’ Ang Panday,” “Sineserye Presents: Patayin sa Sindak si Barbara,” at “Kambal sa Uma.” Kabilang din siya sa cast members ng teleseryeng “Kadenang Ginto” noong 2018.
Kamakailan lang ay nabahiran ng kontrobersiya ang 72nd FAMAS awarding ceremony matapos umanong ma-“snub” si Darren bilang isa sa mga award presenter. Magbibigay sana ng award si Darren sa entablado kasama ng beteranong aktor na si Tirso Cruz III pero hindi ito natuloy dahil pinalitan siya bilang presenter.
Humingi naman na ng paumanhin ang organizers ng 72nd FAMAS kay Darren at nagpaliwanag na hindi intensyonal at “purely misjudgment” ang biglaang pagpalit kay Darren dahil hindi anila mahanap ng kanilang team ang aktres sa naturang event.
Sa pangunguna ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEED), gaganapin ang 7th EDDYS Awards sa July 7, 2024, sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Pasay City.
Other movie icons
Isa rin si Villa sa mga haligi ng industriya ng pelikulang Pilipino, na nakilala bilang “Philippine Comedy Star Empress.” Higit isang daang pelikula at teleserye na ang pinagbidahan ni Villa, at ilan sa kanyang mga kilalang proyekto niya ay ang “Chicks to Chicks,” “Home Along Da Riles,” “1st Ko Si 3rd,” at “Pepito Manaloto.”
Marami na ring pagkilalang naiuwi si Villa dahil sa kanyang talento sa pag-arte, kabilang na rito ang “Pro Ecclesia et Pontifice” medal—pinakamataas na papal award—na ipinagkaloob sa kanya ni Pope Francis.
Samantala, bata pa lamang si Alajar nang sumabak siya sa pag-a-artista noong 1970s. Ngayon ay isa na siya sa mga critically acclaimed actresses na bumida sa mga pelikulang “Playgirl,” “Brutal,” “Salome,” at “Mulanay: Sa Pusod ng Paraiso.” Bumida rin siya sa mga soap opera sa telebisyon gaya ng “Kambal sa Uma,” “Habang May Buhay,” at “Hiram na Puso.”
Ipinamalas din ni Alajar ang kanyang galing sa pagdidirek sa ilang mga serye gaya ng “Narito ang Puso Ko,” “Walang Hanggan,” “Reel Love Presents Tween Hearts,” “Machete,” “The Half Sisters,” “Onanay,” at “Prima Donnas.”
Kilala naman bilang isang beteranong aktor, komedyante, at direktor si Martinez na nagsimula ang karera sa local film industry noong 1970s. Ilan sa kanyang mga natatanging pelikula ang “Juan Tamad at Mister Shooli: Mongolian Barbecue,” “On the Job,” “Gangster Lolo,” “Heneral Luna,” at “Goyo: Ang Batang Heneral.”
Napanalunan ni Martinez and Best Supporting Actor award sa 1992 Gawad Urian Awards para sa kanyang pagganap sa “Juan Tamad at Mister Shooli: Mongolian Barbecue.”
Taong 1960s din nagsimula ang karera ni Lapid bilang aktor na nakilala sa mga pelikulang “Leon Guerrero: Laban sa 7 Kilabot,” “The Jess Lapid Story,” “Kastilyong Buhangin,” “Da Best in the Da West,” “Hari ng Gatilyo,” “Lapu-Lapu,” at “Apag.”
Bumibida rin ngayon si Lapid sa action-drama series na “Batang Quiapo,” kasama ang mga aktor na si Coco Martin at Christopher de Leon.
Posthumous award
Kikilalanin din sa 7th EDDYS Awards ang yumaong direktor, writer at comic strip creator na si Carlo J. Caparas para sa kanyang kontribusyon sa pelikulang Pilipino.
Siya ang nasa likod ng mga kilalang Filipino superheroes at comic book characters tulad ng “Panday,” “Bakekang,” “Totoy Bato,” “Pieta,” at “Elias Paniki.”
Siya rin ang nagdirek sa mga pelikulang “Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang,” “Kamagong,” “Joaquin Burdado,” “Ang Mahiwagang Daigdig ni Elias Paniki,” “Ayaw Matulog Ng Gabi,” “Tirad Pass: The Last Stand of Gen. Gregorio del Pilar,” “Chavit,” at “Ang Panday.”
Noong May 25 kinumprima ni Peach Caparas, anak ng comic strip creator, na pumanaw na ang “Komiks King” ng bansa.
How useful was this post?
Click on a star to rate it!
Average rating 0 / 5. Vote count: 0
No votes so far! Be the first to rate this post.
We are sorry that this post was not useful for you!
Let us improve this post!
Tell us how we can improve this post?