THE MYSTERY has finally been revealed!
Higit isang taon na buhat nang ilabas ang kantang “Tingin,” nagbabalik sa local music industry ang Baguio-based band na Cup of Joe sa bago nilang kantang “Misteryoso” ngayong Biyernes, May 17.
Sa “Misteryoso” ipinadama ng banda–na binubuo nina Raphael Ridao, Gian Bernardino, CJ Fernandez, Gab Fernandez, Xen Gareza, at Raphael Severino–ang pakiramdam ng isang taong gustong maging dahilan ng misteryosong ngiti ng isang indibidwal.
Bahagi ng chorus ng kanta ay: “Hindi alam kung bakit ba ‘ko nabighani sa iyo; Hindi alam kung bakit ba ganito; Kahit na alam kong mukhang wala rin naman itong patutunguhan; kahit pa ilaan lahat ng oras sa’yo; Hindi titigil hanggang ako na ang dahilan ng ‘yong ngiti, Misteryoso.”
Unang narinig ng fans ng Cup of Joe, o kilala rin bilang Joewahs, ang “Misteryoso” nang kantahin ito ng banda sa kanilang kauna-unahang solo concert nitong Pebrero na pinamagatang “Seatbelts On.”
Ayon kay Gian, matagal na niyang naisulat ang “Misteryoso” bago pa man ang kanilang concert.
“Nung na-start kong isulat yung song, ang concept ko is when you meet someone and you suddenly become interested in them,” sabi ng lead singer.
Ginamit ni Gian sa kanyang songwriting ang imahe ng isang taong namamasyal sa gubat at may nakilalang kakaibang nilalang na engkanto sa Philippine mythology.
“For some reason, kahit ganun siya ka-strange, kahit ganun siya ka-mysterious, kahit ganun siya ka-eerie, there’s something in that person or something in that creature that makes you very curious and very much interested to the point na you suddenly become in love with this idea of her, or him, or them in your life,” dagdag ni Gian.
Nakatutuwa at nakakikilig man pakinggan ang konseptong ito ng kanta, nakatatakot pa rin aniyang isipin na mahulog ang loob sa taong hindi mo lubos na kilala.
“It’s actually a scary concept of love,” ani Gian. “Once na ma-reciprocate na yung feelings ng misteryoso na ‘yon, and then what? Sure ka ba na mamahalin mo pa rin siya once you know the real them?”
“‘Misteryoso’ can be interpreted in so many ways, and I just fell in love in creating this song because I think we all go through that phase in love, wherein we don’t actually fell in love with someone for who they really are but with the idea of having them in our lives,” dagdag niya.
Winning hearts
Nakipagtambalan ang Cup of Joe sa producer na si Shadiel Chan para sa song arrangements ng “Misteryoso.”
Sa pahayag ni Shadiel, ibinahagi niyang ginawa ang 2024 single ng banda na layong pagsamahin ang classic original Pinoy music (OPM) at modern pop. Nagdagdag din sila ng “ear tickling elements” at “fairytale-like atmosphere” sa kanta.
Naniniwala si Shadiel na isa sa pinakamagaling na Filipino artists ang Cup o f Joe, na pumukaw ng atensyon ng mga Pilipino at international audiences dahil sa kanilang musika.
“Cup of Joe’s [uniqueness] is how they are able to fuse the band sound that Filipinos love with a bit of P-pop visuals. In our current music scene, they are like the melting pot of the different favorite flavors of Filipino music,” sabi ng producer.
Bago ang “Misteryoso,” huling inilabas ng Cup of Joe ang duet song nitong “Tingin” kasama si Janine Teñoso nitong nakaraang taon. Kilala rin ang banda sa kanilang sikat na mga kanta tulad ng “Sagada,” “Estranghero,” “Patutunguhan,” at “Ikaw Pa Rin Ang Pipiliin Ko.”
Mapakikinggan na ang “Misteryoso” sa lahat ng music streaming platforms.
How useful was this post?
Click on a star to rate it!
Average rating 0 / 5. Vote count: 0
No votes so far! Be the first to rate this post.
We are sorry that this post was not useful for you!
Let us improve this post!
Tell us how we can improve this post?