fbpx

Byeon Woo Seok ng ‘Lovely Runner,’ may fan meet sa Pilipinas

by Joanna Deala

IKINATUWA ng Filipino K-drama fans ang napabalitang pagbisita sa bansa ng South Korean actor na si Byeon Woo Seok, o kilala bilang Ryu Sun Jae sa ongoing series na “Lovely Runner.”

Ito’y para sa Manila leg ng kauna-unahan niyang fan meet sa Asya, na tinawag na “Summer Letter.”

Sa X (dating Twitter), sinabi ng local concert organizer na PULP Live World na gaganapin ito sa June 22, sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City.

“This summer just became a whole lot lovelier because the one and only BYEON WOO-SEOK is coming to Manila!” pahayag ng PULP.

Sa June 2 na magsisimula ang ticket selling para sa fan meet. Wala pang detalye sa ngayon tungkol sa seat plan at ticket prices.

Nitong nakaraang linggo lamang ibinahagi ni Woo Seok ang tungkol sa kanyang fan meet. Ayon sa aktor, ito ay ang kanyang “first letter to fans.”

Ayon sa ilang ulat, kabilang din sa mga bibisitahing lugar ni Woo Seok sa Asya ang Taipei, Bangkok, Seoul, at Hong Kong.

Fan reaction

Hindi naman mapigilan ng ilang fans na kiligin at ma-excite sa upcoming fan meeting ng kanilang idolong South Korean actor.

“Explain to me why do I have to pay to see my boyfriend,” pabirong reaksyon ng isang netizen.

“OMG! Finally! I’ve been patiently waiting for this. Manifesting to see you soonest,” sabi naman ng isang fan.

“Nanginginig ako super grabe I need this,” comment naman ng isang online user.

May ibang fans naman ang hopeful na kantahin ni Woo Seok sa fan meet ang “Sudden Shower.” Ito’y kantang isinulat ni Sun Jae, karakter ni Woo Seok, para kay Im Sol, karakter ni Kim Hye Yoon sa “Lovely Runner.”

About Woo Seok

Nagsimulang sumabak sa pag-arte si Woo Seok nang mag-cameo siya sa 2016 South Korean series na “Dear My Friends.”

Pagkatapos nito ay sunod-sunod na ang kanyang pagbida sa iba’t ibang K-drama tulad ng “Flower Crew: Joseon Marriage Agency,” “Record of Youth,” “Moonshine,” at “Strong Girl Nam-soon.”

Nasungkit niya ang kanyang first leading role sa coming-of-age film na “20th Century Girl” noong 2022. Dahil sa kanyang natatanging pagganap sa pelikula, naging nominado siya bilang Best New Actor — Film sa prestihiyosong Baeksang Arts Awards nitong nakaraang taon.

Dive deeper into the issues that affect your community. Follow republicasia on FacebookTwitter and Instagram for in-depth analysis, fresh perspectives, and the stories that shape your daily life.