MATAPOS ang kanyang big-screen project na “Five Breakups and a Romance,” magbabalik telebisyon naman ang Kapamilya actress na si Julia Montes para sa Pinoy adaptation ng isang Japanese drama.
Nitong Lunes, inanunsyo ng ABS-CBN Entertainment na bibida ang 29-year-old actress sa “Saving Grace,” ang Filipino version ng Japanese television drama na “Mother” ng Nippon TV.
“There is no other love like that of a mother. There is no other actress for this very important role,” saad sa video, habang ipinapakitang naglalakad si Montes.
Ito na ang ika-sampung adaptation ng “Mother.” Bago ang Pilipinas, nagkaroon ng sariling bersyon ang Japanese drama sa Turkey (2016), South Korea (2018), Ukraine (2019), Thailand (2020), China (2020), France (2021), Spain (2022), Mongolia (2024), at Saudi Arabia.
Binati naman nina Yuki Akehi at Sally Yamamoto mula sa Nippon TV ang cast members para sa Filipino version ng “Mother.”
“‘Mother’ is truly a beautiful story, and I’m sure you are all going to love it. Best wishes to the cast and crew,” ani Akehi.
Tungkol saan ang ‘Saving Grace?’
Sa ngayon, wala pang detalye tungkol sa kung paano iikot ang kwento ng “Saving Grace” at kung kailan ito ipapalabas sa telebisyon.
Pero sa eksklusibong panayam ng ABS-CBN News, ibinahagi ni Montes na tungkol ito sa batang nagngangalang Grace na magbabago ng buhay ng karakter ni Montes na si Ana.
Julia Montes is Philippines’ Mother! 💗
— DreamscapePH (@DreamscapePH) July 15, 2024
The Prime Actress, Ms. Julia Montes is back on Primetime Bida and is set to top-bill the Philippine adaptation of NIPPON TV’s Mother, “SAVING GRACE”, coming soon on Primetime Bida!
Photo By: @mspainteilyn
Layout and Design By: @justinbhb pic.twitter.com/rvTyJzrZrA
“Meron tayo sa buhay na akala natin tayo lang yung kailangan ng saving. Akala mo ikaw lang yung lost, akala mo ikaw lang yung hindi okay, or parang ikaw ang kailangan talaga ng, ‘I-save mo naman ako,’” sabi ni Montes.
Dagdag niya, “Pero minsan pala merong taong tutulungan ka, and then ‘yun yung magbabago ng buhay mo.”
Ayon sa aktres, magiging “full of emotions” ang “Saving Grace.”
“Minsan kasi hindi mo kailangan maging kadugo ang isang tao para ma-feel mo yung love. With Grace, na-feel ko na, ‘Ah, ito pala yung love. Ito pala yung hinahanap ko for a long time,’” kwento ni Montes. “And doon mo makikita na hindi lang kailangan galing sa’yo yung bata para mapamahal ka.”
Umikot ang kwento ng “Mother” sa isang elementary school teacher na kumupkop sa kanyang estudyanteng babae, matapos niyang malamang inaabuso ang bata ng sarili niyang ina.
Una itong umere sa Japan noong April 2010, na pinagbidahan ng Japanese actress na si Yasuko Matsuyuki.
Sinu-sino ang mga karakter?
Ngayon Martes, inanunsyo na rin ng Dreamscape Entertainment ang mga aktor na makakasama ni Montes sa “Saving Grace.”
Sila ay walang iba kundi sina Janice De Belen, Sam Milby, Jennica Garcia, Christian Bables, at Sharon Cuneta.
SILA ANG MAKAKASAMA NG PRIME ACTRESS, JULIA MONTES!!!
— DreamscapePH (@DreamscapePH) July 16, 2024
Ito ang powerful cast na magpapaiyak sa bawat Pilipino – Janice De Belen, Sam Milby, Jennica Garcia, Christian Bables, at ang pagbabalik telebisyon ng Mega Star, Sharon Cuneta! pic.twitter.com/NB5z4211Ws
Wala pang detalye tungkol sa mga karakter na gagampanan ng mga nabanggit na aktor, pero nagpahayag na sila ng excitement para sa bagong teleserye.
“Syempre masaya, excited. Looking forward ako kaagad,” pahayag ni De Belen sa panayam ng Dreamscape.
Masaya naman si Garcia na napabilang siya sa proyektong ito ng Dreamscape.
“Alam ko kung gaano kahusay gumawa ng teleserye ang Dreamscape, kaya naman masayang-masaya po talaga ako,” wika niya.
Answered prayer naman para kay Bables ang makasungkit ng role sa “Saving Grace.”
“Pinag-pray ko itong character na ito. That made me so excited dahil this is something challenging for me,” pagbabahagi ng aktor.
Hindi naman “pressure” ang nararamdaman ni Megastar kundi “desire” para pagbutihin niya ang kanyang performance sa proyekto.
“I wouldn’t say there’s more pressure, I would say there’s more desire to do, if I can, even better than my best,” saad ni Cuneta.
‘Special’ project
Hindi naman basta-bastang proyekto ang “Saving Grace” para kay Montes.
Emosyonal na ibinahagi ng aktres kung bakit “special” para sa kanya ang teleserye.
“Special siya sa’kin kasi parang—siguro tanggalin natin ‘Grace’ sa title, ‘Saving Mara,’ sinave ako ni Sir Deo,” saad niya. Tinutukoy dito ni Montes ang yumaong Dreamscape Entertainment head na si Deo Endrinal at ang kanyang tunay na pangalang Mara Schnittka.
“In many ways, personal, career, and I felt na every since, isa si Sir Deo sa naniwala na kaya ko. Going back ‘Mara Clara,’ never kong in-expect na ibibigay sa’kin yung Clara role, but si Sir Deo sabi niya, ‘Hindi, kaya mo ‘yan.’ Siya yung laging nagpapaalala na kaya ko,” dagdag niya.
Kaya rin aniya ito espesyal dahil marami silang inihandang plano para sa proyekto, kabilang na ang pagbuo ng isang charity na konektado sa kwento ng “Saving Grace.”
“‘Pag nalaman niyo na kung [paano] iikot yung story, may ganon siyang factor. Malapit din sa’kin yung story, maraming factor na na-touch yung puso ko kaya nung nag-uusap kami ni Sir Deo hindi ko makakalimutan ang sabi ko lang talaga sa kanya, ‘Promise, Sir D, gagawin ko ‘to,’” sabi pa ni Montes.
Huling lumabas sa telebisyon si Montes sa “FPJ’s Ang Probinsyano,” na pinagbidahan ng kanyang real-life boyfriend na si Coco Martin. Nagkaroon din siya ng seryeng “24/7” noong 2020, pero naputol ito dahil sa COVID-19 pandemic. Naapektuhan din ng pandemya ang pagbibidahan niya sanang action series na “Burado.”
Nitong 2023, bumida si Montes sa pelikulang “Five Breakups and a Romance” kasama si Kapuso actor Alden Richards. Ito ang pinakauna nilang movie team-up.
Dahil sa husay sa pagganap ni Montes sa pelikula, nasungkit niya ang Best Actress award sa 7th Entertainment Editors’ Choice (EDDYS) Awards noong July 7.
How useful was this post?
Click on a star to rate it!
Average rating 0 / 5. Vote count: 0
No votes so far! Be the first to rate this post.
We are sorry that this post was not useful for you!
Let us improve this post!
Tell us how we can improve this post?