fbpx

Alethea Ambrosio, tatangkaing iuwi ang ikalawang Miss Supranational crown ng Pilipinas

by Joanna Deala

PINANGALANAN na ng The Miss Philippines organization ang limang Pinay beauty queens na kakatawan sa Pilipinas sa international pageants ngayong taon.          Isa na rito ang Bulakenya beauty queen na si Alethea Ambrosio na pambato ng bansa sa 2024 edition ng Miss Supranational pageant.

Sa larawang ibinahagi ng The Miss Philippines Organization, makikitang suot ni Ambrosio ang La Mer en Majesté tiara mula sa international luxury brand na Jewelmer.

Nag-post din mismo ang 21-year-old beauty queen sa social media ng ilan sa kanyang mga litrato suot ang fuschia gown at ang naturang korona.

“I am Miss Supranational – Philippines 2024,” sabi niya.

Tinanggap ni Ambrosio ang korona mula sa kanyang predecessor na si Miss Supranational 2023 first-runner up Pauline Amelinckx sa Miss Universe 2024 official delegates presentation sa Grand Ballroom sa Hilton Manila.

Isang economics student, kinoronahan si Ambrosio bilang Miss Philippines 2023 noong Filipino Festival Awards Night noong Oktubre.

Kung papalarin, siya ang ikalawang Pinay na mag-uuwi ng Miss Supranational crown. Nasungkit ng Pinay beauty queen at model na si Mutya Datul ang unang korona ng bansa mula sa nasabing beauty pageant noong 2013.

Ang Ecuadorian model at beauty queen na si Andrea Aguilera ang reigning Miss Supranational.

Tourism advocate

Hindi lamang paligsahan ng ganda ang beauty pageants ngayon. Nagsisilbi rin itong plataporma para sa mga adbokasiya ng mga kandidata.

Para kay Ambrosio, nais niyang ipalaganap ang turismo ng Pilipinas.

Sa question-and-answer portion ng The Miss Philippines 2023 pageant, tinanong ang kandidata kung ano nga ba ang totoong pagkakakilanlan ng mga Pilipino at sa paanong paraan niya ito ipapakilala sa ibang bansa.

Sumagot ang Bulakenya beauty queen sa wikang Pilipino at sinabing tatlong bagay ang sumasagisag sa mga Pinoy: ang wika, kayumangging kulay, at pagmamahal sa bayan.

“Ang tatlong ito ay aking adbokasiya upang mas mapaunlad ang ating bansa, hindi lamang sa larangan ng turismo, kundi sa larangan ng iba’t ibang industriya dito sa ating bansa,” sagot ni Ambrosio.

Dagdag niya, “Mapapahalagahan ko ito kung ako ang hihiranging The Miss Philippines, dahil ako ang The Miss Philippines sa wika, balat, at gawa.”

Bago sumabak sa The Miss Philippines pageant, kinoronahan bilang Reyna ng Turismo 2023 si Ambrosio, bilang bahagi ng selebrasyon ng Singkaban Festival ng Bulacan.

Other PH bets

Bukod kay Ambrosio, may apat pang beauty queens ang kakatawan sa Pilipinas sa iba pang international beauty contests.

Kabilang dito si Isabelle Delos Santos na pambato ng bansa sa Miss Aura International.

Sa isang Instagram post, umaasa ang beauty queen mula Mandaluyong na maiuuwi ang pangalawang korona ng bansa mula sa naturang pageant.

Napanalunan ng Filipina beauty queen na si Alexandra Faith Garcia ang unang Miss Aura International title ng Pilipinas noong 2021.

Si Blessa Ericha Figueroa ng Northern California ang lalaban sa Miss Asia Pacific International, habang si Chantal Elise Schmidt ng Cebu City naman ang kakatawan sa Pilipinas sa Miss Eco International.

Pinangalanan din si Hanna Uyan mula sa Southern California na lalaban naman para Miss Eco Teen pageant.

How useful was this post?

Click on a star to rate it!

Average rating 0 / 5. Vote count: 0

No votes so far! Be the first to rate this post.

As you found this post useful...

Follow us on social media!

We are sorry that this post was not useful for you!

Let us improve this post!

Tell us how we can improve this post?

Dive deeper into the issues that affect your community. Follow republicasia on FacebookTwitter and Instagram for in-depth analysis, fresh perspectives, and the stories that shape your daily life.