SA MAHAL ng presyo ng mga bilihin ngayon, minsan ay hindi na maiwasan ng ibang ikumpara ito sa halaga ng mga produkto sa mga nakalipas na taon.
May mga pagkakataon na naihahalintulad ng mga magulang ang kanilang naging buhay bilang estudyante sa sitwasyon ngayon ng kanilang mga nag-aaral na anak. Kabilang na rito kung gaano kalaki ang pinagkaiba ng halaga ng baon nila noon at allowance ng mga anak nila ngayon.
Ang iba kasi sa kanila ay hindi pa umaabot ng P10 ang baon pero may pangkain at pamasahe na sila papuntang eskwela. Pero sa panahon ngayon, kulang na kulang na ang P10 para sa pagkain at pamasahe.
Sa ilang karinderya sa Maynila, nasa P60 pataas ang presyo ng combo meals—o pinagsamang ulam at kanin—depende pa kung baboy, manok, o baka ang kanilang ulam. Kung nagtitipid, may gulay din sa menu na mas mura at hindi lalagpas sa P50.
Pagdating naman sa pamasahe, nasa P11 na ang bayad ng mga estudyante sa jeep. Umakyat na kasi sa P13 ang minimum fare para sa traditional jeepneys, habang P15 naman sa modern jeepneys. Hindi na rin nakakapagtaka kung tataas ito sa mga susunod na taon, lalo na’t sumisipa rin ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Ngayong ganito na kataas ang mga bilihin, magkano na ba ang baon ng Gen Zs sa eskwela at trabaho?
Pag-budget sa allowance
Iba-iba ang budget ng mga kabataan ngayon para sa eskwela at trabaho. Para sa ilang Gen Z, mula P100 hanggang P250 ang kanilang pinagkakasya para sa pamasahe at pagkain kada araw.
Sa panayam ng republicasia kay Mario Solomon, isang 23-year-old finance student na nagta-trabaho rin bilang accounting staff at part-time crew trainer sa isang fast-food chain, ibinahagi niyang pinagkakasya niya sa isang araw ang P110 hanggang P135 na budget.
Noong may klase pa, nasa P50 hanggang P60 ang ginagastos niya para sa pamasahe papuntang eskwela at pabalik sa kanyang bahay. Pero mas nagmahal ito ngayong nagta-trabaho na siya sa dalawang magkaibang lungsod—Makati at Manila.
“So morning, sa Makati sa office. Papunta doon is P30-P40 and pag-out ko sa office diretso naman ako sa part-time ko. So Makati to Manila is worth P30-P45 naman, tapos pauwi non is minsan lakad or minsan tricycle ako worth P50 pesos,” ani Solomon.
Hindi rin lalagpas ng P300 ang budget nina Jhonard Precilla, isang communications student at SK chairman, at ni Johnlexter Masina, isang operations management student at small business owner.
Pinagkakasya ni Precilla ang P150 to P250 na baon niya sa eskwelahan sa kanyang pamasahe na nagkakahalaga ng P39 at pagkain at inumin na nasa P150 kada araw.
Binibigyan naman si Mesina ng P200 allowance araw-araw, pero P100 hanggang P150 lang ang kanyang ginagastos para makapag-ipon. Nilalaan lamang niya ang kanyang baon sa pamasahe dahil hindi na siya bumibili ng pagkain sa eskwelahan.
“Hindi na ako naglalaan para sa pagkain dahil kumakain naman ako sa bahay at uwian din naman ako sa school kaya mas tipid,” wika niya.
Mas mataas ang baon nina Catherine Mia, isang chemical engineering student at full-time virtual assistant, at Margarette Madrid, isang nursing student, na aabot sa P500 hanggang P600.
Ayon kay Mia, nagdadala siya ng P500 sa eskwelahan kung sakaling may kailangang bayaran sa eskwelahan tulad ng experiments.
Naglalaan siya ng P150 na pamasahe sa motorcycle taxi services, papuntang paaralan at pabalik ng bahay. Pinagkakasya naman niya ang P200 para sa pagkain dahil nagsisimula ang kanyang klase ng 7 a.m. hanggang 5 p.m., at minsan, umaabot ng 9 p.m.
Katulad ni Mia, P200 lang ang nagagastos ni Madrid sa kanyang P600 allowance para sa pagkain. Hiwalay pa kasi rito ang kanyang pamasahe.
“Sa aking allowance, minsan ay nagagastos ko ang iba rito kapag ako ay nag-aaral sa labas. Ang natitira naman dito ay tinatabi ko para sa aking ipon,” pagbabahagi ng 20-year-old nursing student.
Sapat ba ang allowance?
Ayon sa mga college student, sapat lang ang kanilang baon sa eskwela at trabaho araw-araw. Pero ito’y dahil marunong silang mag-budget ng kanilang allowance at nakakahanap sila ng murang alternatibo.
“Matututo ka talagang mag-budget at magtipid at matututo ka kung ano nga ba ang mas kailangan mo o gusto mo lang. At sa paraang ito, mas makakatulong tayo sa iba pang gastusin ng ating mga magulang,” sab ni Mesina.
Ganito rin ang sitwasyon nina Precilla at Mia. Sa panahon ngayon, nahihirapan na si Precilla na i-budget ang P200 niyang baon sa isang araw dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin. Minsan ay nakakalimutan niya na ang iba pang bagay na gusto niyang bilhin para lang makaraos sa isa araw.
“So parang with this daily scenario, my life is more like a matter of surviving than living it happily and comfortably na siyang buhay na dapat deserve ng bawat Pilipino,” pagbabahagi ni Precilla.
Sagot naman ni Mia, “Partly yes, partly no. Yes, because I think P500 is actually too much for a student. But no, because there are circumstances that you cannot predict and it calls for more expenses.”
Masasabi lang din ni Solomon na sakto lamang ang kanyang baon dahil mayroon siyang dalawang trabaho, pero hindi pa rin aniya madaling pagsabayin ang kanyang trabaho at pag-aaral.
“Imagine, one needs to take two jobs to sustain [their] needs. Tanggapin natin ang reyalidad ng mga Pilipino,” ani Solomon. “Dahil nga finance student ako, nagagawa kong i-manage ang pera, pero paano na lamang ang iba? Malaking porsyento ng masa ay financially illiterate kaya lumulubog sa hirap.”
May mga araw ding nagkukulang ang baon nila dahil sa iba pang gastusin sa eskwelahan.
“Mayroong mga pagkakataon na nasosobrahan ako sa gastos at kakaunti na lang ang natitira sa aking baon,” wika ni Madrid.
“Sobrang dami ng gastusin bilang estudyante, pagkain, pamasahe, mga gastusin sa eskwelahan, at iba pa. Ang mga bilihin ngayon, kahit minsan sa karinderya ay patuloy na tumataas ang mga presyo ng tinda rito dahil patuloy rin ang pagtaas ng mga bilihin. Dagdag pa rito ay ang patuloy na pagtaas ng pamasahe sa kadahilanan na patuloy rin ang pagtaas ng presyo ng oil at gasolina,” dagdag niya.
Karinderya vs. fast-food; pagbili ng iced coffee
Para makatipid o makamura, kadalasan ay kumakain na lamang ang mga estudyante sa mga karinderya kaysa sa fast-food chains o di naman kaya’y nagbabaon na lamang sila ng sariling pagkain.
“Mas pinipili namin ito madalas kaysa sa fast food chains dahil higit na mas mura ito at mas accessible para samin,” sabi ni Madrid.
Sagot naman ni Mesina, “Sa buhay kasi namin ngayon, mas pinipili ko na lang magbaon o kumain na lang sa bahay. Para ‘yung ipangbibili ko ng pagkain, sa ibang bagay ko na lang siya ilalaan.”
Iba naman si Mia na kadalasang kumakain sa fast-food chain kasama ang kanyang mga kaibigan. Pero may pagkakataon na sa karinderya malapit sa kanyang paaralan na lamang siya bumili ng pagkain kapag hindi na kaya ng kanyang oras.
May mga araw din na sa fast-food chains kumakain sina Solomon at Precilla kapag kaya pa ng kanilang budget.
“Syempre bumibili ako sa mga fast-food chains like yung mga ‘di ko pa nata-try and the rest is budget na, you know just to experience something out of my pocket din since ‘di rin naman ito madalas,” wika ni Solomon, lalo na’t libre ang pagkain sa kanyang mga pinagta-trabahuhan.
Kung food expenses na rin naman ang pag-uusapan, hindi na mawawala rito ang tungkol sa iced coffee na kinagigiliwan ng maraming Gen Zs.
Para sa ilang estudyanteng ito, hindi gaanong mahalaga ang pagbili ng iced coffee araw-araw, gayong may iba pa silang gastusin. Kung iinom man sila ng kape, bihira lamang nila gawin ito sa isang linggo at mas mura ang kanilang binibili.
Pero mahalaga para kay Mia ang pag-inom ng iced coffee lalo na’t binabalanse aniya niya ang kanyang pag-aaral at trabaho. Naglalaan siya ng P200 para sa isang iced coffee kada araw.
“I can never live a day without iced coffee. It always makes me awake. I never forget to grab iced coffee before I go to school or work. It is just my energy booster,” paliwanag niya.
Purchasing power
Bumagal ang inflation rate, o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa, nitong Hunyo na naitala sa 3.7 percent.
Mas mabagal ito kumpara sa 3.9 percent rate na naitala noong Mayo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Gayunpaman, nananatiling mataas ang presyo pagkain, kabilang na rito ang gulay na tumaas sa 7.2 percent at karne na nasa 3.1 percent.
Dahil sa mahal ng bilihin sa Pilipinas, naniniwala ang limang college students na nabawasan o nalimitahan ang kanilang kakayahang bumili ng mga produkto.
Ayon kay Madrid, pamasahe pa lamang papuntang eskwelahan at pabalik ng bahay ay magkano na ang kanilang nagagastos. Hindi rin kabawasan sa bayarin kung magdo-dorm o uupa sila malapit sa paaralan para makatipid sa pamasahe dahil panibagong gastos din naman ang renta, kuryente, tubig, internet connection, at pagkain sa kanilang uupahan.
“Dahil sa dami ng mga bayarin at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ito ay higit na nakakaapekto sa pagkonsumo ng mga estudyante hindi lamang sa mga nais nilang bilhin, kung hindi lalong lalo na sa pang araw-araw nilang pangangailangan,” sabi ni Madrid.
Binanggit naman ni Precilla ang pagkakaugnay ng purchasing power at inflation rate. Kapag kasi mataas ang presyo ng bilihin, nababawasan din ang kakayahan ng isang indibidwal na bumili ng produkto lalo na kung may inilaan silang budget para rito.
“Sa taas ng bilihin, wala tayong choice kundi magtipid, humanap ng alternatibo, at higit sa lahat magtiis sa kung anong kasya,” pahayag niya.
Dahil din sa inflation kaya nahihirapan silang mag-budget ng kanilang baon sa araw-araw, ayon kay Solomon.
“Noon ang isang libo mo puno pa ang cart, ngayon iilang items na lang,” sabi niya. “Like me na thinking wisely and yung mga kabataan na matured na mag-isip, they are really having difficulties when it comes to purchasing something that is out of their budget. Minsan, akala natin na sakto lang pero in fact, it wasn’t enough. We’re tight on budgeting most especially now that the economy is unstable and inflation is heightening.”
Panawagan ng mga estudyante, pagtuunan sana ng pansin at bigyang prayoridad ang mga Pilipinong nangangailangan at manggagawa para masolusyunan ang kanilang mga hinaing at maramdaman ang benepisyong nararapat para sa kanila. Importante rin anila ang mabilisang pagkilos at pagpapaigting ng gobyerno sa hakbang na kanilang ginagawa para mapagaan ang epekto sa mga Pilipino ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Umaasa rin sila na sana’y gawin nang maayos at may integridad ng mga nakaluklok sa pwesto ang kanilang tungkulin sa bayan.
Ilalatag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang kanyang mga plano para sa bansa sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, July 22. Kabilang sa mga inaasahang tatalakayin niya sa talumpati ay ang tumataas na presyo ng pagkain.
How useful was this post?
Click on a star to rate it!
Average rating 0 / 5. Vote count: 0
No votes so far! Be the first to rate this post.
We are sorry that this post was not useful for you!
Let us improve this post!
Tell us how we can improve this post?