fbpx
Search
Close this search box.

‘Can’t Buy Me Love’ cast, namaalam na sa kanilang mga karakter

by Joanna Deala

KANI-KANIYANG paalam na ang mga karakter ng “Can’t Buy Me Love” kahit bukas pa ang nakatakdang pagtatapos ng teleseryeng pinagbibidahan ng on-screen love team nina Donny Pangilinan at Belle Mariano, o “DonBelle.”

Bago ang final episode, namaalam na sa viewers sina Belle, Maris Racal, at Kaila Estrada na gumanap bilang magkakapatid na Caroline, Irene, at Bettina Tiu.

Ilang behind-the-scene photos ang naka-post sa Instagram ni Belle. Nagpasalamat din siya sa cast and crew ng “Can’t Buy Me Love.” 

“Case closed,” sabi ng 21-year-old actress. “Will forever be grateful for going through this journey, we’ve created a family.”

Ibinahagi ni Belle ang isa sa mga aral na natutunan niya sa pagganap bilang Caroline Tiu o Ling na lumaki sa isang mayamang pamilyang Tsinoy.

“As Caroline would say ‘add it to my tab’, this time I say ‘add this to my memories.’ One of the biggest lessons I learned as Ling is that Money can buy temporary happiness, but it Can’t Buy Me Love,” pahayag niya.

Umikot ang kwento ng “Can’t Buy Me Love” kay Caroline at Bingo (ginampanan ni Donny Pangilinan) na pinagtagpo ng tadhana at umibig sa isa’t isa sa kabila ng kanilang magkaibang mundo. Lumaki si Caroline sa isang mayamang pamilya, habang si Bingo naman ay nagsusumikap magtrabaho upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.

Marami ring plot twist ang kwento kung kaya’t sinubaybayan at kinagiliwan ang teleserye.

Unang primetime series ng DonBelle ang “Can’t Buy Me Love” at unang beses rin nilang nakatrabaho ang blockbuster director na si Mae Cruz Alviar.

‘SnoRene’

Umagaw naman ng eksena ang mga karakter nina Maris Racal at Anthony Jennings, o Irene at Snoop dahil sa kanilang “unexpected chemistry” sa teleserye.

Ilang eksena rin ng tinaguriang “SnoRene” ang kinakiligan ng mga tumangkilik sa teleserye at nag-trending pa.

Sa panayam ng ABS-CBN News sa dalawa, sinabi nina Maris at Anthony na maging sila ay hindi inaasahang maraming manonood ang matutuwa sa kanilang on-screen tandem.

Ito raw ang naging dahilan kung bakit naging “excited” sila para sa mga eksena ng “SnoRene” sa teleserye, ayon kay Maris.

Kaya sa tribute photos ni Racal para sa kanyang karakter na Irene, effort kung effort ang aktres na nag-photoshoot pa para isabuhay ang ilang iconic scenes niya sa teleserye.

Sa Instagram post, makikita ang 26-year-old actress sa ilang litrato na may hawak na trash bags at may katabing blurred na image ng dumi. 

“So we did this silly photoshoot just to say bye to Irene Tiu… just had to do it,” ani Racal.

Ilan sa unfortunate scenes ni Irene sa teleserye kasama si Snoop noong pareho silang nakatapak ng dumi ng aso. Tila aso’t pusa o laging magkaaway ang karakter nina Anthony at Maris sa teleserye na kalauna’y na-develop sa isa’t isa.

May eksena rin ang dalawa kung saan ilag na ilag si Irene kay Snoop matapos niyang magising sa kwarto ng kaibigan ni Bingo. Kinompronta siya ni Snoop kung may nangyari sa kanilang dalawa ngunit pareho silang walang matandaan noong gabing sila’y nalasing. 

Natapos ang eksena ng dalawa nang tambakan ng basura ni Irene si Snoop dahil sinisingil niya ang dalaga ng “5-kiyaw.”

‘One for the books’

Maituturing namang “one for the books” ni Kaila Estrada ang kanyang “Can’t Buy Me Love” journey, kung saan gumanap siya bilang Bettina na nakatatandang kapatid nina Irene at Caroline.

Sa Instagram, nagpasalamat ang 28-year-old actress sa Star Creatives, nag-produce sa “Can’t Buy Me Love,” para sa oportunidad na bigyang-buhay ang karakter ni Bettina.

“I’m grateful to have found a family in this cast, production and directors and I’ll cherish these memories forever. This show was definitely one for the books!” pahayag ni Estrada.

Nagpasalamat din siya sa mga patuloy na sumusuporta sa teleserye.

Nitong nakaraang araw, nag-trending si Estrada sa X (dating Twitter) nang umani ng samu’t saring papuri ang kanyang natatanging pagganap sa karakter ni Bettina, lalo na nang masagot ang lihim kung sino ang “killer” sa teleserye.

Nagpasalamat naman siya sa mga manonood para sa kanilang positibong reaksyon. Pinuri rin ang aktres na si Jana Agoncillo na gumanap bilang batang Bettina.

Mapapanood ang huling episode ng “Can’t Buy Me Love” sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, Jeepney TV, Cinemo, TFC IPTV, at TV5. Mapapanood din ito sa Netflix at iWantTFC.

SUPPORT REPUBLICASIA

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter