fbpx
Search
Close this search box.
philippine news

Bus driver, na-videohang naglalaro sa cellphone habang nagmamaneho

by Bryan Gadingan

TRENDING ngayon sa social media ang isang pasaway na bus driver na nakunan ng video ng netizen na nagmamaneho habang naglalaro ng mobile games habang binabagtas ang Edsa bus carousel sa Pasay City.

Sa video na pinost sa social media page na Visor, makikitang hawak ng driver ang cellphone at naglalaro habang mabagal na umuusad ang trapiko. 

Sa isang ulat mula sa GMA News 24 Oras noong Martes, ipinaliwanag ng driver na hindi siya naglalaro habang nagmamaneho. Depensa niya, sinisilip lamang niya ang kanyang cellphone.

“Hindi po, ginanun-ganon ko lang. Pag-abante, umabante na po. Nakabukas ako sa COC…Tiningnan ko lang, traffic naman po kasi tanghali, inaantok po… pantanggal ano ba… yung antok, yung inip,” ayon sa driver.

Hindi umubra sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang palusot  ng bus driver. Ayon sa LTFRB, posibleng maharap ang driver sa kasong paglabag sa Anti-Distracted Driving Act.

Bukod pa rito, damay din ang kanyang kumpanya. Kung mapapatunayan, maaaring masuspinde ang prangkisa dahil sa kawalan ng disiplina ng kanilang mga driver.

“Bawal gumamit ng cellphone habang nagmamaneho.For the bus company po, for employing an employee who is negligent, the franchise can be suspended. May suspension ng lisensya,” ayon kay LTFRB Chairman Attorney Teofilo Guadiz III. 

Umani naman ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizen na nakapanood ng video. Marami ang naglabas ng kanilang hinaing, habang ang iba naman tila sumusuporta pa sa driver.

Screenshot from comments: @Cristian Paul Camba Barrera | Facebook

“Yung mga private na nag-ccp ok lang. Bato bato sa langit tamaan wag magalit. Di ako bus driver, pero karamihan naman may gumagamit ng phone pag ma-traffic,” depensa ni Facebook user @Cristian Paul Camba Barrera.

Ang iba naman, nanindigang mali ang ginawa ng driver. Hindi raw dapat ito ikumpara sa mga pribadong sasakyan, dahil hawak din ng bus driver ang buhay ng kanyang mga pasahero.

Screenshot from comments: @Icko Reyes | Facebook

“Ilang segundo lang ang kailangan para maka aksidente ka o maaksidente ka. This is clearly a violation of anti-distracted driving. Saka dun sa mga nagsasabing traffic naman daw, buhay ang dala dala nung bus driver. Of all people, professional driver dapat ang nakakaalam na bawal yan,” komento ni Facebook user @Icko Reyes.

Multang P5,000 hanggang P20,000, at suspensiyon o kanselasyon ng lisensya ang kahaharapin ng driver kung mapatutunayang lumabag sa batas. 

Handa namang harapin ng driver ang anumang kasong ipapataw sa kanya. “Haharapin ko nalang po yung ano… mali ko naman talaga..,” sabi ng driver.

SUPPORT REPUBLICASIA

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter