fbpx
Search
Close this search box.

BINI, nagbabala sa kumakalat na pekeng event nila sa Iloilo

by Joanna Deala

PINABULAANAN ng P-pop girl group na BINI ang kumakalat na event na dadaluhan umano nito sa Iloilo City sa July 2024.

Sa pahayag ng BINI sa kanilang official social media page, nilinaw nilang walang kinalaman ang grupo sa sinasabing event na tinawag na “BINI: Live in Iloilo.”

Base sa screenshots, gaganapin umano ang event sa Iloilo Paraw Resort sa July 6, 2024. Nagkakahalaga mula P650 ang bronze tickets hanggang P1,850 sa gold tickets. At sa mga bibili ng gold ticket, magkaka-access daw sa ‘meet and greet’ ng BINI.

“After careful investigation, please be informed that BINI and Management are not associated with the ‘BINI: Live in Iloilo’ event allegedly scheduled at the Iloilo Paraw Beach Resort on July 6, 2024,” pahayag ng grupo.

Pinayuhan din nila ang kanilang fans, o kilala bilang BLOOM, na huwag bumili ng tickets dito.

“Please refrain from purchasing tickets for this event, as it is not sanctioned nor authorized by BINI Management,” sabi nito.

Samantala, wala pang opisyal na pahayag na inilalabas ang Iloilo Paraw Beach Resort pero nakarating na sa kaalaman ng management nito ang sinasabing event. Nilinaw na rin ito ng resort sa management ng BINI.

Base sa screenshot na pinost ng resort, makikitang nag-email ito sa management ng BINI para kumpirmahin kung may authorization ba nila ang event na gaganapin sa Iloilo Paraw Beach Resort. Pero sagot naman ng manager ng BINI, wala silang alam sa event.

Ayon sa manager ng girl group, alam nila ang mangyayaring concert ng BINI sa Water World, Iloilo na gaganapin din sa July 6. Nakatakda raw sana silang mag-meeting at mag-draft ng memorandum of agreement (MoA) sa organizer pagkatapos ng Holy Week pero sinimulan na raw agad nito ang ticket selling nang hindi ipinapaalam sa management ng BINI. Nalaman lang daw nila ito sa post ng isang fan sa X (dating Twitter).

Nag-email na rin daw ang BINI management sa producer ng event umano ng grupo sa Iloilo Paraw Beach Resort noong Huwebes, ngunit hindi pa raw sila nakatatanggap ng sagot.

“Given that [the] producer has not contacted us yet, we are also inclined to deny any involvement for this particular event, as we really have no knowledge about Iloilo Paraw Beach Resort prior to this,” sagot ng manager ng BINI sa beach resort.

Samantala, inihayag ng Iloilo Paraw Beach Resort na maglalabas din sila ng official statement tungkol dito, pero nilinaw na nilang hindi sila nakatanggap ng proceeds mula sa sinasabing event ng BINI at magsasampa rin sila ng legal charges sa susunod na mga araw. 

“We would also like to assure the public who paid in advance for these tickets that you will get your refunds,” dagdag nito.

Sa X, nag-post din ang Philippine fan base account ng BINI na BLOOM Philippines para tulungan ang ilang fans na nakabili na ng ticket para sa nasabing event.

Una nang naglabas ng advisory ang BINI ukol sa mga naglilipanang events umano ng grupo sa social media.

“In anticipation of upcoming on ground events for BINI, we urge BLOOM and the general public to practice due diligence in discerning the legitimacy of these events,” pahayag nito.

Pinag-iingat din ng girl group ang kanilang fans, lalo na sa ticket selling at purchase requirements.

Kung meron mang official event na inendorso ang official page ng BINI ngayon, ito ay ang kanilang upcoming first solo concert na “BINIverse” na gaganapin sa June 28 sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City.

SUPPORT REPUBLICASIA
TikTok star Mathilda Airlines, the new queer voice for the people