fbpx
Search
Close this search box.

Awra, naglabas ng saloobin kay Vice Ganda

by Joanna Deala

MAG-IISANG taon na makaraang masangkot sa gulo sa isang bar, nagsalita na si Awra Briguela sa vlog na “My SpaghetTEA with AWRA,” kasama ang komedyanteng si Vice Ganda na kanyang talent manager.

“I’m okay, I’m getting better and I’m getting stronger,” sagot ni Briguela nang kumustahin siya ni Vice Ganda ukol sa kinasangkutan niyang gulo sa isang bar sa Makati noong nakaraang taon.

Pag-amin niya, “I owned up my mistakes.”

Inaresto noong June 2023 si Briguela nang makaalitan niya at ni Mark Christian Ravana sa Bolt Hole Bar sa Poblacion. Nahagip ng mga cellphone video ang mga eksena sa loob at labas ng bar.

Nakalabas din ang aktres sa kulungan matapos niyang magpiyensa para sa kasong slight physical injuries at simple disobedience to a person in authority, at nagsampa ng kontra-demanda sa kanyang nakaalitan.

Sa 24-minute video, ibinahagi rin ni Briguela kay Vice Ganda, na tinatawag niyang “Meme,” ang naging epekto sa kanya ng nangyaring insidente.

“Ako yung taong hindi kayang magpakita ng weakness ko sa mga taong mahal ko. Kaya after what happened, kahit nung nakauwi na ako, syempre lugmok na lugmok na ako, umiyak na ako. ‘Yun yung time na hindi ko na talaga kaya,” kwento ni Briguela.

Ayon sa kanya, hindi pa rin niya mapagtanto ang nangyaring insidente kahit na noong nakulong siya.

“Nung nangyari kasi ‘yon parang hindi ko siya in-expect kasi nga ako nun eh, YOLO [You Only Live Once] ako nun eh. I party almost every day,” pagbabahagi niya.

“I just want to have fun talaga and makalimot ng problema. So in short, tinatakbuhan ko yung mga problem ko, hindi ko siya hinaharap, tinalikuran ko. Nung nangyari siya sa’kin, hindi ako makapaniwala,” dagdag niya.

Self-forgiveness

Sa hiwalay na vlog na pinamagatang “Mapusong Pag-amin ni Awra,” mapuso ring inamin ni Briguela na hinid pa niya napapatawad ang kanyang sarili matapos ang kanyang mga pinagdaanan.

“Feeling ko mafo-forgive ko lang yung self ko kapag na-redeem ko na ulit yung dati kong self na kung ano talaga yung dream ko,” emosyonal na inihayag ni Briguela.

Pero para kay Vice Ganda, kailangan munang patawarin ni Briguela ang kanyang sarili bago niya ma-redeem ang kanyang sarili at maging okay.

“Nagkamali ka talaga, pero hindi ka masamang tao. Alam ko ‘yan, kaya nga hindi kita iniiwan. At ‘di ba pinangako ko sa’yo hindi kita iiwanan?” sabi ni Vice Ganda kay Briguela.

“Patawarin mo yung sarili mo dahil may mga pagkakataon na naging mahina ka,” dagdag niya.

Humingi rin ng paumanhin si Briguela sa mga taong na-disappoint at nasaktan niya.

“Gusto kong humingi ng sorry, sorry sa disappointment na binigay ko sa inyo. Sorry kung na-disappoint ko kayo and ‘wag niyong gagayahin yung ginawa ko. Hindi alak yung solusyon sa problema at lalong-lalong hindi dapat tinatakbuhan yung problema,” ani Briguela.

Recovery

Tinanong din ni Vice Ganda si Briguela kung paano siya bumabangon ngayon.

“I’m starting to find what I love. I’m starting to do what makes me happy,” ayon sa aktres.

Sinabi naman ni Vice Ganda na proud siya kay Briguela sa kung paano niya paunti-unting inaalagaan ang kanyang sarili.

“You’re doing such a great job redeeming yourself slowly. Hindi mo ipinipilit sa ibang tao, pero you do that for yourself,” sabi ng komedyante.

 Nag-iwan din ng advice si Vice Ganda kay Briguela. 

“Pahalagahan mo yung sarili mo. ‘Wag mo ipapahamak yung sarili mo. Kung magkakamali ka, bangon ka ulit. May mga taong ipagkakait yang pagkakataon na ‘yan sa’yo pero ‘wag mo ipagkakait sa sarili mo,” wika niya.

SUPPORT REPUBLICASIA

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter