fbpx
Search
Close this search box.

Online voting para sa MUPH 2024 weekly challenges, bukas na!

by Joanna Deala

MAY kapangyarihan muli ang pageant fans at enthusiasts na tulungan ang kanilang paboritong kandidata na mapabilang sa finals night ng upcoming Miss Universe Philippines (MUPH) 2024 pageant.

Ito’y sa tulong ng online voting para sa weekly challenges ng kompetisyon gamit ang Miss Universe Philippines app.

Inanunsyo na ng MUPH organization ang pagbubukas ng online voting, at nagbigay din ng proseso kung paano makaboboto ang publiko sa app.

Para makaboto, kinakailangan lamang daw i-download ang app na available sa Apple App Store para sa iPhone users at Google Play Store para naman sa android users. 

Pumunta lamang sa “Challenge Vote” tab sa app, at iboto ang kandidatang sa tingin nila ay karapat-dapat na manalo sa challenge.

Ayon sa MUPH, may “secured spots” sa finals night ang mga kandidatong mananalo sa kada challenge. 

Sa May 22 ang coronation night ng tatanghaling Miss Universe Philippines, kasunod ni beauty queen at Sparkle artist Michelle Dee. Nasa 50 kandidata mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang maglalaban-laban para sa Miss Universe Philippines title.

Nauna nang naglabas ang MUPH organization ng official headshots, swimsuit, at evening glam shots ng bawat kandidata sa social media. Inilabas na rin kamakailan ang kanilang  introduction videos para ipakilala pa ang kanilang mga sarili at tourism videos kung saan ibinida nila ang kanilang hometowns.

Ticket prices

Naglabas na rin ng ticket details ang MUPH organization para sa darating na coronation night na gaganapin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nagkakahalaga ang tickets mula P499 para sa general admission section hanggang P9,950 para sa VIP section. Mabibili ang tickets sa SM Ticket website simula 6 p.m. ngayong Huwebes.

Wala pang anunsyo ang MUPH organization sa mga magiging judge at host sa coronation night. Pero unang inanunsyo na may guest appearance ang “Filipina winnah” at draq queen na si Marina Summers.

Matatandaang gumawa ng ingay sa international drag scene si Marina nang sumali siya sa second season ng “RuPaul’s Drag Race: UK vs. the World,” kung saan nakipaglaban siya sa drag queens mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Siya lamang ang nag-iisang Filipino at Asian representative sa international edition ng award-winning hit reality show.

Hindi man niya nasungkit ang titulong “Queen of the Mothertucking World,” si Marina naman ang nakapag-uwi ng pinakamaraming RuPeter badge sa kompetisyon na umabot sa tatlo.

Ang makoronahang Miss Universe Philippines 2024 ang kakatawan sa Pilipinas sa 73rd Miss Universe competition na gaganapin sa Mexico. Si Sheynnis Palacios ng Nicaragua ang reigning Miss Universe.

SUPPORT REPUBLICASIA

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter