fbpx
Search
Close this search box.

“Boy Dila” humingi na ng tawad

by Bryan Gadingan

LUMUTANG na si Lexter Castro, o mas kilala  bilang “Boy Dila,” at humingi ng tawad sa publiko at sa lokal na pamahalaan ng San Juan City noong Martes, na para sa netizens ay pambabastos niya umano  sa isang  motorista sa nagdaang Wattah Wattah Festival. 

Matatandaang nag-trending si Boy Dila sa social media nitong linggong ito, nang makunan ng video ang kanyang pambabasa sa isang rider kahit nakiusap na huwag siyang basain.

Pero sa halip na huminto, tuloy-tuloy sa pagbasa sa rider habang dumidila pa kaya tuloy binansagang “Boy Dila” si Castro.

Screenshot from: @gianrussel30 | TikTok

Tuloy, bumaha online ng mga komentong galit at inis sa aksiyon ni Boy Dila. Kaya naman, pinaharap na ni San Juan mayor Francis Zamora sa media si Castro, upang pormal na makahingi ng tawad.

“Muli ako po ay humihingi ng pasensya at paumanhin sa lahat po ng naapektuhan o nabiktima ng iilang mamamayan po namin nang dahil po sa aming kapistahan,” sabi ni Zamora.

“At isa nga po sa talagang pinanggagalingan ng galit ng napakaraming tao na ako mismo talaga ay nagalit din ay ito nga pong si Lexter.”

Pero hindi pa natatapos sa mismong pista ang sinasabing blunder ni Boy Dila. Nag-upload pa siya ng video sa kanyang TikTok account habang tila inaasar umano ang kanyang bashers. 

@lextercastro0

Nag salita na si boy dila🤪

♬ original sound – BOY DILA🤪

Sabi pa niya, bakit daw dumaan pa sa San Juan, na taun-taon ang tradisyon ng basaan. Na lalo pang ikinainis ng mga netizen. Anila, tila naging manhid umano si Castro sa naging perwisyo sa kanila. 

Sumama din ang loob ng alkalde ng San Juan. Ayon Zamora, nabahiran tuloy ang sana’y naging masayang tradisyon sa kanilang pista. “Ito po ay sa kasamaang palad ang naging mukha ng ating Wattah! Wattah! Festival sa taong ito.”

“Talagang gusto ko siyang makausap. Gusto ko siyang makausap at gusto kong maintindihan niya na ang kanyang ginawa ay nakakasira sa imahe ng lungsod ng San Juan,” dagdag ni Zamora.

Pormal nang humingi ng tawad si Castro. “Unang una po, nagpapasensya po ako sa aming Mayor, sa nagawa ko po,” ani ng 21-anyos na residente ng San Juan.

“Sa lahat po, humihingi po ako ng paumanhin sa inyo… Lalong-lalo na po sa rider, humihingi po ako ng tawad po sa inyo, at gusto ko po kayong makita sa personal. Gusto ko po sa inyo humingi ng paumanhin po.”

Ngayon naman, si Castro na ang napeperwisyo sa sunod-sunod na delivery ng mga gamit at pagkain na hindi naman niya inorder. Ayon kay Castro, nagagalit tuloy sa kanya ang mga rider na naaabala rin dahil sa fake bookings.

Nakatatanggap din siya ng banta sa kanyang buhay. 

“Sa mga nagbabanta po sa akin, hindi ko na rin po maisip, nai-stress na rin po ako. Kung anu-ano na lang din po lumalabas na pagbabanta sa akin lalung-lalo na po sa pamilya ko. Huwag naman po sana nilang idamay.”

“Kung may galit po sila sa akin, ako na lang po ang anuhin nila dahil masakit din po sa akin kasi nadadamay ‘yung pamilya ko,” sabi ni Boy Dila, habang himihikbi’t umiiyak.

Hiling din ni  Zamora na mahinto na ang fake bookings at deliveries kay Castro. Ipinaalala rin niyang maging responsable ang lahat sa mga aksiyon sa social media content.

Plano naman ng lungsod na magpatupad ng “basaan zones” kung saan magtatalaga na lamang ng nga lugar na maaaring gawin ang taunang tradisyon upang hindi na maulit ang hindi kaaya-ayang karanasan ng ilan.

SUPPORT REPUBLICASIA
TikTok star Mathilda Airlines, the new queer voice for the people

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter