fbpx
Search
Close this search box.

Babala: Mag-ingat sa “Ketchup Modus”

by Bryan Gadingan

KUNG dating “dura-dura” o “laglag-barya” ang modus operandi ng mga kawatan para makapandukot sa mga pasahero, ngayon may bago na namang istilo—ang “ketchup modus.”

Screenshot from: 24 Oras

Unang kumalat sa social media at Ibinalita ng “24 Oras” ang mga post ng mga netizen na nabiktima ng bagong modus. Tulad ni Cris Manimtim, na sakay ng MRT noon nang sabihan ng isang lalaki na may ketchup sa kanyang damit. Pinayuhan daw siya ng lalaki na sumaglit na muna sa palikuran ng Shaw Boulevard station para matanggal ang mantsa sa damit.

Buti na lang, una na siyang binalaan ng kanyang kaibigan sa modus na ito. 

Ayon sa mga nabiktimang netizen, oras na mataranta ka, sasamantalahin ito ng mga kawatan, tatabihan ka saka sasalisihan. At kukunin ang mahahalagang bagay nang hindi mo namamalayan.

“That time din po naikwento na sa ‘kin ng kaibigan ko na parang nangyari na sa kanya ‘yun, na may nilagay sa likod nya then nung pinansin niya after nun nawalan siya ng cellphone,” ayon kay Manimtim.

“So parang naging aware na rin ako na wag pansinin ‘yun kahit kumakalat na ‘yung ketchup sa likod ko,” dagdag niya.

Sa larawang kuha ni Manimtim, kitang-kita ang dami ng ketchup na nakasaboy hindi lang sa likod, pati na rin sa bag niya.

Screenshot from: 24 Oras

Buti na lang alerto si Cris at agad natunugan ang pakay ng mga kawatan.

Samantala, arestado ang isang drug suspect, na hinihinalang lider din ng isang grupo ng mga mandurukot at snatcher sa MRT.

“Itong tao na ito, lider pala ito ng grupo ng mga mandurukot. Matagal ng nag-ooperate ito. Since nine years old pa lang siya, ito na ang trabaho niya,” ayon kay Eastern Police District Special Operations Unit Chief, Police Major Raul Salle.

Inilahad ng pulisya ang istilo ng grupo sa pambibiktima ng mga pasahero.

Karaniwang nasa tatlo o marami pa ang miyembro ng grupo. Magkukunwaring hindi magkakilala sa loob ng dyip o UV Express. Papagitnaan ang biktimang pasahero. 

Magbabayad ang isa sa mga suspek, kung minsan ay ipapaabot pa sa biktima, saka tatakpan ng isa pang suspek ng dalang jacket ang bag ng biktima, saka dudukutan.

“During rush hour, may kasama siyang tatlo hanggang apat na tao. From Guadalupe MRT station, sasakay sila, maaayos ang attire nila,” inilarawan niya.

“Sasama sila hanggang GMA Station sa Quezon City, iipitin nila yung tao, tinitingnan nila ang mga mamahaling gadgets, ‘yun ang kinukuha nila, wallet,” dagdag niya.

“Let’s say ang halaga ay P50,000, binebenta lang nila ito ng P5,000 to P10,000… Yun ang ating tinatrabaho, yung matukoy natin ang lugar at kung kanino binabagsak ang mga ito,” ika ni Salle.

Pinaalalahanan muli ng Eastern Police District ang publiko na maging alerto sa paligid kapag nasa kalsada at bumibyahe, upang hindi mabiktima ng iba’t ibang modus.

SUPPORT REPUBLICASIA

DON'T MISS OUT

We have the stories you’ll want to read.

RepublicAsia Newsletter